Nakatuon ang pansin ngayon ng komisyon sa isang director ng Bureau of Internal Revenue na nakabase sa Pampanga dahil sa pagkakaroon nang hindi maipaliwanag na ari-arian. Pinagpapaliwanag ng PAGC si Pampanga BIR Director Antonio Montemayor kung bakit hindi nito idineklara ang kanyang mga sasakyang 2001 Ford Expedition at 1997 Toyota Land Cruiser na nagkakahalaga ng P1.8 million at P1.2 million. Nagtataka ang komisyon kung bakit hindi isinama ni Montemayor ang mga ito sa kanyang 2001 at 2002 Statement of Assets and Liabilities (SAL). Base sa impormasyon ng PAGC, kumikita lamang si Montemayor ng P31,670 bawat buwan.
Noong nakaraang buwan, tatlo pang BIR officials ang umanoy nagmamay-ari ng mamahaling bahay at sasakyan sa Ayala-Alabang. Ang pagbubulgar ay isinagawa ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ). Ang tatlong opisyal umano ng BIR ay mga director na nakabase rin sa lalawigan.
Ang bansa ay may malaking budget deficit. Hindi malaman kung saan kukuha ng pondo. Bagsak ang koleksiyon ng BIR at kapag wala nang maisip na paraan, sa taumbayang naghihigpit ng sinturon kakamutin ang kung anu-anong buwis: Tax sa cell phone, cell card, sa pagkain sa fast foods at kung saan-saan pa na pampabigat sa pasanin. At saka puputok ang balitang, maraming kurakot sa BIR.
Nagsisimula pa lamang ang PAGC gayong may isang taon nang nag-atas si Mrs. Arroyo. Makupad sa mga corrupt. Magkaganoon man, maganda pa ring malaman, na sa kabila ng kakuparan ay mayroon nang nakikitang tinatamaan ng tabak. Ang pagkabisto sa isang BIR director sa Pampanga ay hindi pa katuparan ng "lifestyle check". Kapiranggot pa lamang ang kurakot na nalambat at mas maniniwala ang taumbayan kung yung mas malalaking isda ang malalambat at madadala sa kulungan.