Hindi lamang ngayon napag-usapan ang tungkol sa paglilipat ng school opening. Noon pa ay may mga panukala na baguhin na upang maiwasan ang tag-ulan, bagyo, baha at iba pang kalamidad na dumarating tuwing buwan ng Hunyo, Hulyo at Agosto.
Dapat nang talakayin ngayon ang bagay na ito hindi lamang dahil sa SARS. Napapanahon na para maisalya na ang bill ni Drilon sapagkat mas marami itong kapakinabangan kaysa sa dating kaugalian nang schedule.
Sana ay kumilos nang mabilis ang mga senador, mga congressmen at iba pang mga opisyal ng ating pamahalaan. Sana ay hindi lamang mga satsatan at papormahan at wala sanang pulitikahan. Manaig sana ang kung ano ang makabubuti sa bansa at mamamayan lalo na sa isyung ito na ang kalagayan ng mga estudyante ang nasa panganib.