Malaki ang naitutulong ng dalawang nabanggit sa aming mga gawain araw-araw partikular sa aming action center. Binubuo ito ng mga dalubhasang staff ng aming radio, TV at print division, "Imbestigasyon ng BAHALA SI TULFO" at ng BITAG.
Makakatiyak kayo na "de-kalidad" ang aming serbisyo sa publiko . Makabuluhan, masustansiya ang nilalaman ng aming mga production. .
Tatak na sa amin at hindi mawawala ang matapang na paglalantad ng katotohanan. Taas noo kong haharapin ang sinuman at ipamumukha kaninuman kapag silay wala na sa katuwiran.
Tahasan kong sasabihin sa kolum na to na may paninindigan at prinsipyo kaming sinusunod sa BST TRI-MEDIA CONCEPT UNLIMITED, producer ng BITAG at ng "Imbestigasyon ng BAHALA SI TULFO".
Hindi kami "nabibili" at "ipinagbibili kung paninindigan at prinsipyo na namin ang nakataya. Malungkot sabihin, ang aming prinsipyo na pinaglalaban ay paminsan-minsan naglalagay sa amin sa alanganin.
Sa salitang ingles, "this is the price that we have pay for our principle. We have to face the consequence. "
Alam ko na ang taong ito na namumuno sa advertising and PR department ng PAGCOR ay nailuklok sa kaniyang posisyon dahil sa lakas ng kanyang kapit sa pagiging kasapi ng BIGKIS-PINOY.
Sa aming unang pagkikita pa lamang bilang kurtisiya sa kaniyang bagong posisyon nung mga panahong yun, nabastusan agad ako sa taong ito. Alam ko magkakaproblema ang institusyon na kanyang pinaglilingkuran.
Hindi ko siya pinalagpas, ipinaabot ko agad ang kanyang "kamanyakan" sa kay Chairman Efraim Genuino. Mismo si chairman na ang humingi ng dispensa nang huwag ng lumaki ang isyu.
Diretso ako sa aking pananalita. Wala akong itinago kay chairman. Naniwala ako sa sinabi ni chairman na ang bawat tao ay dapat bigyan ng pagkakataong magbago. Tama si chairman.
Ngunit ang isang taoy handang magbago lamang kapag inamin niya ang kaniyang pagkakamali. Sa salitang ingles, "until he realized his mistakes, he is bound to commit the same mistake over again."
Sa harapan ko mismo at ng aking staff, narinig ko ang sinabi nitong manyakis na magpapa-interview lamang sa host ng programang "mala-fairy godmother". Wish daw nitong manyakis na hunghang na maghubot-hubad muna sa harapan niya ang magandang host bago siya magpa-interview.
May kausap siya sa telepono nung mga oras ding yun nung sinabi niya, "kapag nakahubad na siya di maghuhubad na rin ako pareho na kaming hubot hubad ngayon." Sinabayan niya ito ng malakas na halakhak.
Makinig ka Dodie, bago mo ilagay sa malaking kahihiyan ang PAGCOR, natatandaan mo ba ang iyong pagkakamali? Kung inaamin mo puwes dapat lang humingi ka ng dispensa sa taong iyong binastos at iyong pinagnasaan.