Katulad ng nananalasa ngayong Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) sa bansa, hindi rin naman dapat ito ang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan kundi pati ang dengue. Ngayon pa lamang maging handa na ang Department of Health (DOH) kung paano magkakaroon ng kampanya laban sa dengue. Tambalang SARS at dengue ang kalaban ngayon ng taumbayan at hindi biro ang mga ito sapagkat pumapatay. Walang patawad at pinipili. Ang dengue ay nanggagaling sa lamok na aegis aegypti, babaing lamok na sumasalakay kung araw. Mga sintomas ng dengue ang pagkakaroon ng lagnat na tumatagal ng apat o limang araw, pagkakaroon ng pantal sa balat, panghihina ng katawan at kulay itim ang dumi. Kung mapansin ang mga sintomas na ganito, dagliang magpakunsulta sa doctor.
Maruming paligid. Iyan ang gustong maging tahanan ng mga lamok na may dengue. Gustung-gusto rin nila ang mga madidilim at magugubat na lugar na hindi tinatamaan ng sikat ng araw. Maski sa mga damit na nakasampay sa sulok ay paboritong nilang tirahan. Mas makabubuting alisin ang mga basura sa bakuran upang walang matirhan ang mga lamok. Linisin din ang mga daanan ng tubig at siguruhing walang basurang nakaharang. Kapag ang tubig ay hindi umagos, sasamantalahin ng lamok para doon mangitlog.
Ang pakikipagtulungan ng taumbayan sa pamahalaan ay mabisang paraan para ganap na malipol ang mga lamok. Ang walang disiplinang pagtatapon ng basura ay hindi na dapat gawin upang hindi na mabigyan ng pagkakataon ang mga lamok na dumami.
Ang DOH ang dapat manguna sa kampanya laban sa dengue. Kung nagawa nila ang malaganap na kampanya laban sa SARS, magagawa rin nila ito sa nakatatakot na dengue.