Habang panay ang suporta ng Pilipinas sa US at ngayon ngay magpapadala pa ng peacekeepers doon, hindi naman nagagawang pagmasdan ng pamahalaan ang mga sariling problema na dapat munang asikasuhin. Isa sa mga problemang dapat noon pa natapos ay ang mga teroristang Abu Sayyaf.
Marami nand nadukot at namera nang ayos ang mga terorista. Ilang beses nang binantaan ni Mrs. Arroyo pero hanggang ngayon ay nariyan pa rin. Dalawang babae pa ang bihag ng mga terorista. Hinihintay na lamang ba ng military na ang mga bihag na ang gumawa ng paraan para makatakas? Mag-aabang na lamang sila sa tatakbuhang lugar ng mga bihag gaya ng ginawa ng dalawang nakatakas noong Biyernes Santo.
Nakatakas mula sa Abu Sayyaf sina Emily Mantic at Cleofe Mantulo nang makatulog ang kanilang bantay. Kini-claim naman ng military na ang pagtakas ng dalawa ay dahil sa sunud-sunod nilang operation. Kung ginagawa nila ang trabaho, bakit kailangang lumipas pa ang siyam na buwan saka nakatakas ang dalawa. At nasaan pa ang dalawang orihinal na kasama nina Mantic at Mantulo. Nasaan din si Roland Ulah na may tatlong taon nang bihag ng mga terorista?
Noong nakaraang linggo, isang Indonesian ang nakatakas sa mga terorista at sinabi rin ng military na naguguho na ang puwersa ng Abu Sayyaf. Hindi raw sila tumitigil sa pagtugis sa mga terorista at malapit na silang maubos.
Nakahanda ang pamahalaan sa pagsuporta sa US. Walang hindi gagawin para lamang mabigyan ng kasiyahan si Bush. Ang tanong, paano naman ang problema sa sariling bakuran. Ang problemang ito ang dapat munang unahin ng pamahalaan. Ipakita naman ng military na mayroon silang kakayahan sa pakikipagsagupa sa mga teroristang "tinik sa lalamunan".