Ang apat na babae ay kinidnap ng mga teroristang Sayyaf noong Agosto 20, 2002 sa Sulu habang nagtitinda ng mga herbal medicine. Ang apat ay nakilalang sina Nori Bendijo, Emily Mantic at ang maghipag na sina Cleofe at Florida Montulo. Ang dalawa nilang lalaking kasama ay pinugutan ng ulo ng mga terorista at saka ikinalat sa palengke ng Sulu kinabukasan makaraang kidnapin.
Malupit ang Abu Sayyaf. Pati babae ay hindi pinatatawad. Dalawang babae na rin ang kanilang pinatay at pagkatapos ay nilaslas pa ang mga suso. Ang pamumugot ng ulo ay karaniwan na lamang sa kanila. Dalawang gurong lalaki ang pinugutan nila ng ulo noong 2001 at saka inilibing nang hanggang tuhod. Namera nang husto makaraang kidnapin ang 21 turista sa Sipadan, Malaysia noong April 30, 2000. Sila rin ang kumidnap sa mag-asawang Martin at Gracia Burnham sa Palawan, noong 2001. Napatay si Martin nang iligtas ng military.
Noong Linggo isang babaing negosyanye na naman ang kinidnap ng mga terorista sa Siasi, Sulu. Kinidnap si Gertrudes Tan ng limang armadong lalaki at mabilis na isinakay sa isang motorboat at dinala sa kalapit na isla ng Jolo. Natakasan na naman ang military at pulisya ng mga madudulas na Abus Sayyaf.
Napatay na ang Sayyaf spokesman na si Adlam Tilao alyas Abu Sabaya noong nakaraang taon subalit patuloy pa rin ang mga terorista sa masamang gawain. Pinaniniwalaang nakakukuha ng suporta ang mga terorista sa Al-Qaida network na pinamumunuan ni Osama bin Laden. Si Bin Laden ang mastermind sa pagwasak ng World Trade Center sa New York noong Sept. 11, 2001.
Iligtas ang apat na babaing bihag! Matagal na ang kanilang ipinagtitiis sa mga kamay ng mga terorista. Ang kanilang mga mahal sa buhay ay patuloy na umaasa na gagawa ang pamahalaan ng paraan para sila mailigtas. Ang anak ni Cleofe Montulo na si Jeizel ay naghihintay sa pagbabalik ng kanyang ina. Sabik na sabik na siya.