Hindi napatunayan ang edad ng rape victim

INAKUSAHAN si Romy ng pangre-rape kay Belinda, 9 anyos, anak ni Dencio. Nangyari ang rape ng madaling araw pagkatapos bumili ng isda si Belinda sa kalapit na bayan. Nagtagumpay si Romy sa paggahasa dahil tinutukan niya ng patalim si Belinda.

Sa pagdinig ng kaso, positibong itinuro ni Belinda si Romy at malinaw na isinalaysay ang nangyari. Napatunayan ng mga testimonya ni Belinda na ginahasa siya ni Romy.

Nahatulan si Romy dahil sa kasong rape batay sa Artikulo 355 (1) ng Kodigo Penal. Subalit sa halip na kamatayan, nasentensiyahan lamang si Romy ng reclusion perpetua. Ayon sa Korte, hindi napatunayan ng prosekyusyon ang edad ng biktima. Hindi sapat ang naging testimonya ni Belinda tungkol sa edad niya. Tama ba ang Korte?

TAMA.
Reclusion perpetua ang nararapat na parusa kay Romy. Hindi napatunayan ng prosekyusyon ang edad ni Belinda. Hindi sila nagsumite ng sertipiko ng kapanganakan o binyag ni Belinda. Wala ring dahilang sinabi kung nawala man o nasira ang mga ito. Tama ang Korte na hindi ibase lamang sa testimonya nina Romy at Belinda ang edad nito, kaya ang mga ito ay kuru-kuro lamang. Tama rin ang Korte sa hindi nito pagsaalang-alang sa anyo ni Belinda para lamang matukoy ang edad nito.

Kung ang edad ng biktima ay materyal at makaaapekto sa parusang ipapataw sa kasong tulad ng rape gaya ng Death Penalty, kailangang may sapat at matibay na ebidensiyang magpapatunay nito (People of the Philippines vs. Veloso G.R. 130333 April 12, 2000).

Show comments