Kung ikaw ay aanyayahan ng isang tao para kumain, kailangang ulitin ito ng ilang beses. Masamang asal sa nayon na basta lumapit sa mesa sa isang paanyaya. Maaaring pagsabihan na walang modo.
Mayroong nag-aanyaya na pabalat-bunga lamang. Kailangang maulit ang anyaya ng ilang beses kasama na ang paghila sa iyo.
Sa piyestahan, kapag inalok ka ng pagkain ay laging kukuha kahit kaunti. Kung talagang busog na ay kumuha ka ng prutas o himagas tanda ng pakikisama at magandang-loob.
Huwag uubusin ang pagkain sa plato. Mag-iwan kahit na kaunti. Kasi pag ubos na ubos o simot na simot ang pinggan, ibig sabihin ay gusto mo pa, hindi ka pa busog at kulang ang handa ng may-ari ng bahay. Kaya lagyan nang lagyan ang plato mo.
Sabi ng kaibigan kong Amerikano na isinama sa nayon, sayang naman ang pagkain pag hindi naubos. Ang paliwanag ko ay "Huwag kang mag-alala sa ganoon. May mga aso, pusa, manok at baboy na kakain sa tira. Kung walang tira ay magugutom ang mga hayop at kalupitan ito sa mga alaga."