Ang karpa sa palayan ni Mang Andres

NAKATAWAG pansin sa akin ang isang uri ng karpa na dalawang pulgadang haba na inilalagay sa bukid pagkatanim ng palay. Sabay pinalalaki ang isda at palay.

Si Mang Andres ay isa sa may palayan na may pinalalaking karpa. Binisita ko siya isang umaga.

‘‘Bakit ka nag-aalaga ng karpa Mang Andres?’’

‘‘Bukod sa may ulam na kami may dagdag kita pa’’. Pero alam mo ba Doktor na pampalusog ng palay ang karpa?’’

‘‘Paano iyon?’’ tanong ko.

‘‘Nagbibigay ng pataba at taga-linis ng damo ang mga karpa.’’

‘‘Pakipaliwanag nga Mang Andres.’’

‘‘Ang dumi ng isda ay pataba at sila rin ang kumakain ng damo.

‘‘Eh paano pag ang palayan ay unti-unti nang matuyo, saan pupunta ang mga lumalaking isda?’’ pahabol ko.

‘‘Alam kong itatanong mo iyan Doktor. May hinukay akong kanal sa paligid na isang piye ang lalim at dalawang piye ang luwang. Pag natutuyo na ang gitna ng palayan ay pupunta ang mga lumalaking isda sa kanal. Pag ang kanal ay nag-umpisa nang matuyo, mayroon akong isang metro kuwadrado at dalawang metro ang lalim sa isang kanto. Doon ko na lang sasalukin ang lahat ng isda para maipagbili sa palengke.’’

Hanggang ngayon ay hindi ko maisip kong bakit hindi ito ginagawa ng maraming magsasaka.

Show comments