Krusada laban sa 'narcopolitics'

ELECTION na sa susunod na taon kaya napapanahon ang paglulunsad ng kampanya laban sa ‘‘narcopolitics’’. Ano nga ba ang ‘‘narcopolitics?’’ Ito ay ang paggamit ng drug money para manalo ang mga kandidato na tinatangkilik ng mga sindikato ng droga. Pera ang puno’t dulo ng ‘‘narcopolitics’’. Nagdudumilat ang katotohanan na may mga kumakandidato at nahalal na opisyal ng gobyerno na suportado ng drug syndicates at may pagkakataong mga drug lords mismo ang kumakandidato at ibinoboto. Kasabihan sa Ingles na money makes the world go round. Lumalabas na ang bawat isa ay may presyo kaya ang balota ay nababayaran at sa kalaunan ay mga drug lords na ang magkokontrol ng ekonomiya ng bansa.

Sa likod ng mga kaganapang ito iba’t ibang samahang sosyosibiko ang nagkabuklod para masawata ang paglaganap ng narcopolitics at aktibo rito ang Volunteers Against Crime and Corruption ni Dante Jimenez, Equal Justice For All ni Atty. Leonard de Vera at ang Rosebud Against Illegal Drugs (RAID) na inilunsad ni Mary Ong a.k.a. Rosebud. Matatandaan na malaking bagay ang pagsisiwalat sa Kongreso ni Rosebud ng tungkol sa illegal drug na sangkot ang ilang matataas na pinuno ng pamahalaan.

Layunin ng krusada nina Rosebud na maiwasang manalo ang mga pulitikong suportado ng mga sindikato sa droga. Nanawagan sila ng ibayong suporta ng pamahalaan at political will ng sambayahang Pilipino laban sa ‘‘narcopolitics’’. Sinabi ni Rosebud na kung makikialam lamang ang tinatawag na ‘‘silent majority’’ ay tiyak ang tagumpay ng kanilang krusada. Naglunsad na sila ng massive educational and information campaign laban sa ‘‘narcopolitics’’ sa iba’t ibang dako ng kapuluan.

Ang BANTAY KAPWA ay nakikiisa sa krusada laban sa ‘‘narcopolitics’’.

Show comments