"Kung ako lang ang masusunod ay ayaw kong ipagbili. Iyon lang ang tangi kong sinasaka."
"Ganoon pala, bakit mo ibinenta?" patuloy kong tanong sa kanya.
Ngumiti si Mang Ariston. "Alam mo naman Doktor dito sa nayon. Marami akong utang na loob kina Mayor at Governor. Hindi ako makapalag kasi kaibigan nila ang bumibili ng lupa. Isa pa, lahat ng karatig-lupa ko ay pumayag nang ipagbili. Mahirap namang magpatigas pa ako."
"Ano pa?"
"Sa totoo lang, hindi maliwanag ang papeles sa titulo ko sa lupa. Alam naman nyo na maraming pasikut-sikot sa pagtitulo ng lupa," paliwanag ni Mang Ariston.
"Ikaw ba ay pinilit na magbenta ng lupa?"
"Hindi naman. Ang totoo ay malaki ang ibinayad sa akin. Isang malaking kayamanan at hindi ko na yayapakan ang putik sa sakahan," sagot niya.
"Ano ang ginawa mo sa pera?"
"Bumili ako ng dyipning pampasada. Marunong kasi akong magmaneho. Ito na ngayon ang bago kong kapital."
"Eh di malaya ka na sa pagbubungkal ng lupa."
"Totoo iyan. Pero sa bukid ako ang amo. Ngayon, bawat pasahero ay parang amo ko. Kaya gusto ko nang bumalik sa pagbubukid."