Maging ang mga kapitbahay ni Parsons sa Rainbow at Bronze Streets sa SSS Village, Barangay Concepcion Dos ay salungat ang mga sinasabi sa salaysay ng actor na dati ring konsehal ng Marikina City. Anila, wala silang nakitang kotse na umalis sa kanilang lugar ng mga oras na binanggit ni Parsons. May nakita umano silang lalaki na walang habas na nagpapaputok sa gitna ng kalye pero hindi nila masiguro kung ito nga ay si Parsons. Kung maging ang kapitbahay niya ay sumasalungat sa mga statements niya, ibig talagang sabihin niyan may problema talaga si Parsons, di ba mga suki?
Ayon kay Parsons, tinatapos niya ang script ng US tour nila ng kanilang grupo nang kumahol ang kanilang aso tanda na may panganib sa buhay niya. Nang komprontahin niya umano ang tatlong lalaki sa labas ng kanilang bahay, biglang pinaputukan umano siya sabay hugot ng isang granada sa bag nito. Nasisiguro ni Parsons na tinamaan niya ng apat na beses sa dibdib ang isa sa mga suspect pero walang naiwang dugo sa naturang lugar. Pero mabilis din ang pag-iisip nitong si Parsons dahil idinahilan niya kaagad na baka may suot na bullet-proof vest ang suspect. He-he-he! Sobrang mahal ng equipment na ito na hindi rin basta-basta mabibili lang sa bangketa. At hindi lang yan, mabigat din ang naturang equipment kayat ang may suot nito ay mahihirapang kumilos na hindi dapat kapag ang lakad mo ay tres o pagnanakaw.
Sa ngayon, halos lahat ng ahensiya ng gobyerno ay tinawagan ni Parsons para tulungan siya sa kanyang problema. Pero marami ang naniniwala na hindi totoo ang mga pakulo ni Parsons na kung uurirating maigi ay parang gusto lang magkaroon ng twist ang kanyang script... este buhay pala. Hindi naman kaila sa atin na gustong isapelikula ni Parsons ang kanyang buhay at kung sa ulam, mukhang kulang pa ito ng rekado, di ba mga suki?
Pero naniniwala si Parsons na ang panibagong tangka sa kanyang buhay ay may kinalaman sa unang tangkang pagpatay sa kanya noong nakaraang Hulyo. Dalawa sa mga magnanakaw ang napatay ni Parsons at isa pa, si Joram Gaceta ang nasugatan. Gusto lang umanong balikan siya ng grupo, ani Parsons.
Kung sabagay, dapat lang sigurong matagal nang umalis sa kanilang tinitirahang bahay si Parsons kung totoo ang threats sa buhay niya. Kasi apektado ang kanyang pamilya sa sitwasyon pero ang ipinagtataka ng marami ay hindi sila nagsasalita. At mukhang si Parsons lang ang natatakot sa mga banta sa kanya. Para maniwala ang sambayanan na totoo ang sinasabi niya, dapat sigurong magpa-drug test si Parsons at maiwasan niyang matawag na praning.