EDITORYAL – Di kaya may umabuso sa checkpoint

NAGKAROON na ng iba’t ibang bunga ang karahasang dulot ng baril. Mula sa pagkakapatay kay Ateneo law graduate Jose Ramon Llamas ng isang lalaking naka-motorsiklo noong January 10, nagbunga iyon sa paghihigpit sa pagdadala ng baril. Ipinagbawal ang pag-iisyu ng "permit to carry" sa mga sibilyan. Ang lahat ng mga "loose firearms" ay inatasan ni President Gloria Macapagal-Arroyo na isurender. Malawakang paglilinis sa lipunan ng sandatang pumuputok.

Nanganak pa ang utos ni Mrs. Arroyo, ngayo’y mayroon nang mga checkpoints para maging epektibo ang pagbabawal sa pagdadala ng baril. Maraming strategic na lugar sa Metro Manila ang may mga checkpoint. Pinatitigil ang mga sasakyan at iniinspeksiyon kung may dalang baril. Sa unang bugso ng paglalagay ng checkpoints ay marami nang nalambat na mga di-lisensiyadong baril. Naging maayos naman ang pagpapatupad ng mga pulis na nagbabantay sa mga checkpoint.

Pero ang tanong ay hanggang kailan ang paglalagay ng mga checkpoint. Hindi kaya umabuso ang mga pulis na nasa checkpoint at maging dahilan nang panibagong problema sa kapulisan. Hindi na kaila na maraming kabulastugang ginagawa ang karamihan sa mga "bugok" na miyembro ng PNP. Para magkamal ng pera ay pumapasok sa kung anu-anong ilegal na gawain. Hindi kaya binigyan lamang ng lisensiya para makagawa ng kalokohan. Sariwa pa sa isipan ang mga nangyari noong martial law na binigyan ng kapangyarihan ang mga sundalo na ilagay sa kanilang kamay ang batas.

Hindi maiwasang isipin na baka umabuso ang mga pulis na nasa checkpoint at magtanim ng baril sa makukursunadahang sibilyan. Kukuwartahan. Mabilis lang gawin ang ganyan. Walang ipinagkaiba sa pagtatanim ng shabu sa mga sibilyan.

Sinabi naman ni Metro Manila police chief Deputy Director Reynaldo Velasco na makaaasa ang taumbayan na ang mga pulis na mangangasiwa sa checkpoints ay susunod sa guidelines at standard operating procedures ng Philippine National Police. Mga commissioned officers ang mangangasiwa at isasagawa sa mga well-lighted areas. Wala umanong dapat ikabahala ang publiko.

Maganda kung lubusang maipatutupad ang total gun ban. Maiiwasan na ang karahasan. Kung ang checkpoint ang isang paraan para maipatupad ang batas, gawin ito subalit ingatan na huwag umabuso sa sibilyan.

Show comments