Isang 70-anyos na turistang Japanese ang pinaniniwalaang kinidnap sa Mactan noong January 30. Mahigit nang isang linggong nawawala si Ryohei Sato mula nang umalis sa tinutuluyan nitong hotel. Sinabi ng mga pulis na maaaring kinidnap si Sato sapagkat isang araw bago nangyari ang pagkawala, tatlong Pilipino at isang Japanese ang tumawag sa hotel at tinatanong ang mga kagamitan ni Sato. Si Sato ay mula sa Aizuwakamatzu, Japan.
Noong nakaraang buwan, isang Japanese rin ang kinidnap sa Mindanao at binihag sa loob ng anim na araw. Pinakawalan siya. Walang naiulat na nagkabayaran ng ransom subalit marami ang naniniwala na nagbayad ang biktima para makalaya.
Hanggang sa kasalukuyan, hawak pa rin ng mga Abu Sayyaf ang apat na babaing kinidnap nila may anim na buwan na ang nakararaan. Pinatutubos nila ng milyong piso. Ang apat na babae ay miyembro ng Jehovahs Witnesses.
Ilang ulit na ring nangako at nagbanta si Mrs. Arroyo sa mga kidnapper at ibang kriminal. Subalit habang nagbabanta, patuloy ang pamamayagpag ng mga kidnapper at kriminal. Maski ang Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane ay nagsabi nang maupo siya sa puwesto na dudurugin niya ang mga kidnapper sa bansa.
Pero hindi ganito ang nangyayari sapagkat lalo pang tumaas ang insidente ng kidnapping. Wala nang kinatatakutan at patuloy na bumabanat kahit katirikan ng araw. Ngayong ipinagbabawal na ang pagdadala ng baril, tiyak na madadagdagan na naman ang insidente ng kidnapping. Nararapat ipakita ng PNP na kaya nilang protektahan ang mamamayan at mga dayuhang narito sa anumang panganib. Pag-ibayuhin ang pagdurog sa mga sindikato para naman maging matiwasay ang lahat.
Kung ganap na mapipigilan ang kidnapping, tiyak na maraming turista ang pupunta rito. Marami ang makikinabang.