Matatandaan na si Interior Secretary Joey Lina ang nag-isponsor sa kongreso ng 1995 anti-hazing law. Kamakailan ay naghain si Senador Robert Barbers ng panukala na amyendahan ang naturang batas at ituring na heinous crime ang hazing na may katapat na kaparusahang bitay. Si Barbers ang chairman ng Senate Committee on public order and illegal drugs. Sinabi niya na hindi makatao at halang ang kaluluwa ng mga nagsasagawa ng hazing. Animoy mga demonyo sila na hindi lulubayan ang biktima hanggat hindi malagutan ng hininga. Bukod sa mga namatay, karamihan sa mga biktima ng hazing ay nagkasakit dahil sa tinamong pagpaparusa at may ibang nasiraan ng bait.
Pinakahuling kaso ng hazing ay sa Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite. Namatay sa hazing si 4th class cadet Joefry Andawi na sobrang pinahirapan ni 3rd class cadet Jomery Polquiso na ngayon ay nililitis na ng hukuman.
Sa kasalukuyan, 20 taong pagkabilanggo ang parusa sa anti-hazing law kaya nagpanukala si Sen. Robert Barbers na patawan ng parusang bitay ang lalabag sa naturang batas.