Misis, naaktuhang nakikipagtalik sa iba

LABINLIMANG taon nang kasal sina Mando at Linda. Dalawa ang anak. Sa loob ng panahong iyon, marami nang beses silang nagkaroon ng samaan ng loob kaya sila ay nagdesisyong maghiwalay.

Kahit hiwalay na, sinubukan pa ring suyuin ni Mando si Linda na makipagbalikan ito para sa mga bata. Subalit ipinagyabang pa ni Linda na mayroon siyang kasintahan, si Jaime. Minsan ay nakita ni Mando ang dalawa at binantaan ang asawa ngunit tinakot pa siya ni Linda na papatayin nito at ni Jaime.

Isang gabi matapos ang hapunan, kinailangang puntahan ni Mando si Linda upang hilingin na dumalo ito sa pulong ng mga magulang dahil ang grado ng anak nilang lalaki ay bumagsak. Nang makarating sa bahay ni Linda, nakarinig si Mando ng ungol mula sa loob. Pilit niyang binuksan ang pintuan sa pamamagitan ng balisong na lagi niyang dala para proteksyon sa sarili. Nang nabuksan na niya ang pinto, nakita niya ang asawa at si Jaime na nagtatalik.

Sinipa ni Jaime si Mando sa mukha. Sinaksak naman ito ni Mando. At dahil mabilis ang pag-atake, nawalan ng balanse si Jaime at nahulog. Sinaksak siya ni Mando sa tiyan. Samantala, kumuha si Linda ng isang bote at ipinukpok sa ulo ni Mando habang sumisigaw na "patayin mo siya, Jaime, patayin mo, Jaime."

Dalawang beses sinaksak ni Mando si Jaime sa tiyan samantalang sinaksak naman ni Linda ang braso ni Mando ng basag na bote. Nagalit si Mando kaya sinaksak niya si Linda sa kaliwang dibdib at tatlong beses pa sa iba pang bahagi ng katawan nito. Namatay ang dalawa samantalang si Mando ay sumuko sa awtoridad.

Naakusahan si Mando ng murder at parricide. Inamin niya ang mga pagpatay subalit sinabi niyang ginawa niya ito sa ilalim ng "exceptional circumstances" dahil nahuli niya ang kanyang asawa at ang kalaguyo nito sa aktong pagtatalik o pagkatapos na pagkatapos nito. Subalit nahatulan siya ng Korte sa salang homicide at parricide at nasentensiyahan ng reclusion perpetua sa pagpatay niya sa asawa at pinakamabigat na walong taong pagkakakulong sa pagpatay kay Jaime. Tama ba ang hatol ng Korte?

Mali
. Kahit na aminin ni Mando ang mga pagpatay, ang parusa rito ay hindi pa rin maipapataw. Nang makita ni Mando ang asawa at ang kalaguyo nito na nagtatalik, nanaig ang kanyang selos at galit kaya’t sinaksak niya si Jaime nang lumaban at nanipa. Ibinaling niya ang galit sa asawa nang sa halip na pumanig sa kanya ay ipinagtanggol pa ang kalaguyo kaya sinaksak niya ito nang maraming beses. Napatunayan na sinorpresa ni Mando sina Linda at Jaime habang nagtatalik. Ang kanyang aksyon ay saklaw ng Artikulo 247 ng Kodigo Penal na ang mga elemento ay: (1) na sinorpresa ng legal na asawa ang kanyang asawa habang ito ay nakikipagtalik sa ibang tao; (2) pinatay ang kanyang asawa at ang kalaguyo sa akto ng pagtatalik o pagkatapos na pagkatapos nito; (3) at hindi niya pinahintulutan ang asawa sa pangangaliwa.

Ang pagtatanggol sa dangal ng isang tao ay kinikilala dahil sa iskandalong maidudulot ng nangangaliwang asawa; ang batas ay istriktong pinapayagan na kastiguhin ang asawa hanggang kamatayan.

Si Mando ay nahatulan ng dalawang taon at apat na buwan na destierro. Batay sa parusang ito, hindi siya pinapayagan ng Korte na pumasok sa siyudad kung saan siya nakatira o sa lugar ng pinangyarihan ng krimen o sa radius na 100 km. ng nasabing siyudad. (People of the Philippines vs. Oyanib G.R. No. 130634-35 March 12, 2001)

Show comments