Habang isinusulat ko ang kolum kong ito, nasa piitan ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) si Lim, matapos ang matagumpay na buy-bust operation nitong Lunes, Enero 27.
Sa pakikipagtulungan ng BITAG, nasakote si Lim ng mga ahente ng NBI sa ilalim ni NCR Chief Atty. Edmond Arugay.
Hawak ng BITAG Investigative Team ang eksklusibong surveillance video footage kung saan makikita si Lim, ilegal na binebentahan ng mga walang papel na baril ang aming mga undercover.
Positibo si Lim sa fluorescent powder test mula sa marked money na ipinain ng NBI na pambayad sa baril na kanyang ibinibenta.
Panoorin nyo na lang ang buong detalye at ang mga aksiyong naganap sa nasabing buy-bust operation ngayong Sabado sa BITAG sa ABC-5.
Naipalabas na namin ito sa BITAG, ABC-5 na napapanood tuwing Sabado, 5:00 hanggang 5:30 ng hapon. Noong Disyembre, nanawagan mismo si Bennie Lim sa harap ng aming TV camera sa kanilang mahigit na 25,000 na mga miyembro na baklasin na ang mga ilegal na plaka na nakapaskil sa harapan ng kanilang sasakyan.
Hindi siya pinakinggan. Dinedma lang ang kanyang panawagan. Dito nyo makikita kung anong klaseng organisasyon ang grupong KABATAS.
Walang pinakikinggang pinuno at hindi kinikilala ang kanilang pamunuan. Sa maikling salita, wala sa bokabularyo ng kanilang mga miyembro ang salitang RESPETO.
Kung sabagay, ito ang mga reklamong umaabot sa amin mula sa mga traffic enforcers ng MMDA, maging ng traffic policemen sa ibat ibang parte ng Maynila.
Laman ng aming surveillance video ang pagmamayabang ni Bennie Lim sa aming mga batang undercover. Aniya, "huwag nyong pinagpapapansin ang mga MMDA traffic enforcers dahil mga dating basurero lang yan."
Dagdag pa nitong hambog na si Bennie Lim na paralisado na ang kalahating katawan dahil sa stroke, "kapag ikay miyembro na ng KABATAS, ikaw na ang may karapatang manghuli sa lansangan."
Dahil sa kanyang kayabangan, naging hamon sa BITAG na alamin ang uri ng kanilang organisasyon. Nag-apply maging member ang isa sa aming undercover at nakabili ito ng ID at stickers sa halagang P1,700.00 lamang.
Sumobra ang kanyang hangin at naglabas ng mga baril. Hindi pa kasi nakuntento sa kaniyang mga stickers at ID. Binentahan ang aming batang undercover at idinesplay sa kanyang mesa. Lingid sa kanyang kaalaman, kinukunan na siya ng aming spy camera.
Dalawang .45 na baril, isang compact na .9 mm pistol, at isang .38 na revolver, kasalukuyang nasa pangangalaga ng NBI bilang ebidensya sa kasong isasampa sa kaniya. Bukod dito, may pekeng ID pa ng NBI na kasama ng mga baril.
Nagulat si Bennie Lim nang biglang pumasok ang NBI agents kamakalawa, kasama ng BITAG Team nung naganap ang bentahan. May balak pa siyang pumalag at ayaw sumama sa NBI kahit huli na sa akto.
Buti na lang, tumugon siya. Dahil kung hindi, sapilitan siyang bibitbitin at poposasan ng mga ahente. Nahimasmasan yata nang nakita niyang matensyon na at seryoso na ang sitwasyon.
Alam naming wala kayong kinikilalang pinuno at wala kayong pakialam kahit na sakote na ang inyong pobreng pangulo sa piitan ng NBI. Wala naman talaga kayong pakialam kahit na mabulok si Bennie Lim sa bilangguan.
Alam naming ang mahalaga lang sa inyo ay ang pekeng ID ng KABATAS at walang katuturang plaka. Tuldukan nyo na!