Maling tagapagmana

KASO ito ng dalawang ektaryang lupaing pang-agrikultura na pag-aari ni Don Mariano, na sinasaka ni Mang Ambo bilang nangungupahan. Si Nilo, anak ni Don Mariano at Atty.-in-fact, ang tumatanggap ng renta mula sa 40 kaban ng palay kada ektarya. Ang mga kaban ng palay ay ibinibigay kay Diego, ang katiwala ng pamilya Mariano sa loob ng 16 taon na. Si Diego ang may awtoridad na kumolekta ng bayad, mag-isyu ng resibo at magtinda ng mga produkto ng lupain tulad ng mangga at kawayan.

Namatay si Mang Ambo noong Pebrero 17, 1989. At noong Nobyembre 6, 1989, nagkaroon ng kontrata sa pangungupahan sa lupa si Digna, anak ni Mang Ambo at si Nilo. Subalit nalimitahan ang pagtatanim ni Digna dahil ang isang ektarya ay inookupahan ng apat pa nilang kapatid na sina Berto, Mon, Leo at Marcial. Nagtalo sila rito at nauwi sa isang kaso. Nagsampa ng kaso si Digna upang mabawi ang pamumusesyon laban sa kanyang mga kapatid. Tinutulan ito. Ayon sa kanila, minana nila nag karapatan sa pangungupahan sa nasabing isang ektarya mula sa kanilang pumanaw na ama na si Mang Ambo. Pinayagan daw sila ni Diego na mamusesyon at magsaka rito. Kaya, masasabing may pinapalagay na pangungupahan sa pagitan nila at ng pamilya Mariano sa nasabing isang ektarya ng lupa. Iginiit pa ni Berto na tinanggap ni Diego mula sa kanila ang 20 kaban ng palay noong Oktubre 17, 1990 at isa pang 20 kaban ng palay noong Abril 1, 1991. Ito araw ay ibinigay sa kapatid na babae ni Nilo at sa huli ay natanggap din nito mismo. Tama ba sina Berto?

Mali.
Ang batas sa pagmamanahan batay sa Kodigo Sibil ay hindi katulad sa pagmamanahan sa mga kasong agraryo. Sa Kodigo Sibil, ang estado ng namatay ay ipinagkakaloob sa mga tagapagmana nito samantalang sa agraryo, ang seguridad sa pagmamay-ari ng namatay na nangungupahan ay maililipat sa napiling tagapagmana ng may-ari ng lupa mula sa mga sapilitang tagapagmana rito. Ang mga nabubuhay na tagapagmana ay hindi maaaring pangunahan ang pagpili kung sino ang magsasaka o kaya ay panlahatang isaka ang lupa, maliban na lamang na hindi nakapili ang may-ari ng lupa o hindi kaya ay ipinaubaya na niya ang karapatang ito. Sa kasong ito, ang may-ari ng lupa sa pamamagitan ni Nilo ay ginamit sa opsyong ito nang pumasok sa kontrata ng pangungupahan kay Digna sa dalawang ektaryang lupa noong Nobyembre 6, 1989. Sa kontrata ng pangungupahang ito, si Digna ang napili ng pamilya Mariano upang palitan ang kanyang amang pumanaw na si Mang Ambo.

Walang ipinalalagay na pangungupahan sa pagitan ng magkakapatid ni Berto at ng pamilya Mariano. Walang awtoridad si Diego na maghirang ng mga uupa sa lupa o kaya ay tumanggap ng upa maliban na lamang sa mga nangungupahan na hinirang ng kanyang amo. At dahil salungat ang pinalalagay na pangungupahan ng mga magkakapatid ni Berto at ng pamilya Mariano sa nakasulat at hayagang kotrata sa pagitan nina Digna at ni Nilo, at ang walang ebidensiya na susuporta sa pagkakaroon ng pinalalagay na pangungupahan, ang hayagang pangungupahan ang dapat sundin (Reyes vs. Reyes et. al. G.R. 140164, September 6, 2002).

Show comments