Sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo?
Ang Maynilad, pag-aari ng Benpres Holding Corp. na kontrolado ng prominent Lopez Family ay nanalo sa 25 years concession mula sa MWSS noong August 1997 para mag-supply ng tubig sa malaking bahagi ng Metro Manila. Bukod sa pagsu-supply ng tubig, gagampanan din ng Maynilad ang pagsasamoderno, pagsasaayos at pagpapalawak ng water system sa Kamaynilaan.
Matagal nang nangangarap ang mga taga-Maynila ng masaganang tubig. Kaya nang pumutok ang balitang MWSI na ang hahawak sa pagsu-supply ng tubig, maraming taga-Metro Manila ang natuwa sapagkat magkakaroon na ng lunas ang nadarama nilang kauhawan sa tubig. Tapos na ang kanilang paghihirap.
Subalit tila bangungot ang kanilang nasumpungan, sa loob ng limang taon na pagseserbisyo ng MWSI, wala ring pagbabago sa problema sa tubig. Mas masaklap sapagkat sa halip na bumaba ang bayad sa tubig, tumaas pa ito. Nagkaroon ng kung anu-anong babayaran na nakasaad sa resibo gaya ng CERA, FCDA, Environmental Charge MSC at VAT. Ano ba ang mga ito na tila nagpapalito sa mga mahihirap na consumers?
Ang mga wasak na tubo na nilalabasan ng masaganang tubig ay karaniwan pa ring tanawin sa kasalukuyan. Habang marami ang uhaw na uhaw sa tubig, marami naman ang nasasayang dahil sa mga wasak na tubo. Taliwas sa kasunduan na isasaayos at gagawing moderno ang water system.
Ano nga ba ang nagawa ng Maynilad sa loob ng limang taon?