Kasal ni Pitoy

DUMATING ang araw ng kasal ni Pitoy. Maraming pamahiin ang magulang ng mapapangasawa ni Pitoy. Paglabas daw ng simbahan ay kailangang kumain ng asukal ang mag-asawa. Ito raw ay upang maging matamis ang pagsasama ng mag-asawa. Kung anu-ano pa ang mga pamahiin. Ang lahat ay pinag-usapan sa pamamanhikan.

Ang kasal ay dapat magsimula ng eksaktong 6:30 ng umaga.

Dahil ako ay isa sa mga ninong ay maaga ako sa simbahan. Mas maaga si Pitoy sapagkat naroon na nang dumating ako ng 5:00 ng umaga. Excited si Pitoy sa pagpapakasal.

"Pitoy, lalagay ka na sa tahimik," sabi ko sa kanya. "Puwede ka pang umatras," suhestiyon ko.

"Wala nang atrasan, Ninong," sabi ni Pitoy. "Ibig ko na talagang mag-asawa. Matanda na ako."

"Tama ka. Pero handa ka na ba talaga sa mga responsibilidad?"

"Handa na, Ninong."

"Paano kung hindi mo makasundo ang iyong biyenan, Pitoy? Napansin ko masyado silang istrikto at mapamahiin."

"Makakasundo ko sila Ninong."

"Hindi kaya kayo panghimasukang mag-asawa?"

"Hindi naman siguro, Ninong."

Nang matapos ang kasal ay ang masaganang handaan. Noon lamang ako nakakain ng masarap na handa sa nayon.

Naging matamis ang pagsasama ng mag-asawa at walang naging problema sa biyenan. Mabait kasi si Pitoy, ang aking inaanak.

Show comments