Maling pamamalagi

KASO ito ng isang palaisdaan kung saan sina Minda, Franco, Simeon, Conchita at Sixto ay mga ka-may-ari rito. Bilang tagapangasiwa ng palaisdaan, pinaupahan ni Minda kay Simeon ng limang taon mula Hunyo 1, 1979 hanggang Hunyo 30, 1984 na may rentang P118,000 kada taon. Pinaupahan naman ito ni Simeon kay Antonio kung saan itinakda namang katiwala si Armando.

Humingi ng isa pang taong pangungupahan si Simeon hanggang Hunyo 30, 1985. Bago dumating ang petsang ito, nagkaroon ng tawaran ang pagpapaupa sa palaisdaan. Nanalo si Martin, anak ni Franco sa halagang P250,000. P150,000 ang tawad ni Simeon at dahil natalo, ipinaalam niya agad ito kina Antonio at Armando.

Nang puntahan ni Martin kasama ang ilang pulis noong Hulyo 1, 1985 ang palaisdaan upang kunin ito, tumanggi si Armando dahil wala raw inutos si Antonio tungkol dito. Hiniling din ni Franco mula kay Simeon at Antonio ang palaisdaan subalit tumanggi rin ang dalawa.

Kaya, nagsampa sina Minda at ilang ka-may-ari ng unlawful detainer sa MTC. Ayon kay Antonio, ipinagpatuloy ni Simeon ang pagpapaupa nito ng lima pang taon. Tinanggap na rin ni Simeon ang paunang bayad ng renta rito.

Makalipas ang dalawang taon, ibinalik na rin nina Antonio at Armando ang palaisdaan kay Franco at sa anak nitong si Martin, kaya natapos na ang isyu ng pag-aari sa palaisdaan. Subalit, itinuloy pa rin ng MTC ang kaso kung saan pinagbabayad nito sina Simeon at Antonio ng P250,000 bilang upa kada taon mula Hulyo 1, 1985 hanggang Marso 1988 nang lisanin nila ang palaisdaan. Tama ba ang MTC?

Tama.
Kailangang ibalik ni Simeon ang palaisdaan nang matapos na ang kontrata niya sa pangungupahan nito. Nang matalo si Simeon sa tawaran at ipaalam kay Antonio ang pagkapanalo ni Franco, nagkaroon lalo ng dahilan ang madaliang pagbabalik nito kay Franco.

Obligasyon ni Simeon na isauli ang palaisdaan sa mga komunidad nang nagtapos na ang kanyang kontrata. Sa kabilang banda, obligasyon din ni Antonio na ibalik ang palaisdaan kay Franco dahil nanalo ito sa tawaran. Dahil hindi nila ginawa ang mga obligasyong ito. Kailangan nilang magbayad ng P250,000 bilang upa sa nasabing palaisdaan (Abalos and Arellano vs. CA G.R. No. 106029 Oct. 19, 1999).

Show comments