Mapagbirong pilay

SA lahat ng taong nakilala ko si Elong Pilay ang pinaka-masayahin. Sa kabila ng kanyang kapansanan ay nagagawa niyang magpatawa. Sa umpukan sa nayon ay siya ang nagpapasimula ng biruan at katatawanan. Kung minsan ang pagiging pilay niya ang paksa ng usapan. Pinagtatawanan ang pagiging pilay.

‘‘Hindi ka ba napipikon, Elong, kapag binibiro ka tungkol sa pilay mo?’’ tanong ko.

‘‘Noong ako ay bata pa, oo,’’ Sagot nitong ang ngiti ay hindi nawawala sa mukha. ‘‘Pero ngayon hindi na. Natanggap ko na ito. Kaya nga madalas ginagawa ko pa itong biro. Natuklasan kong mas nakatutuwa pag ako ang magpasimula ng biruan.’’

Humanga ako kay Elong. Magaan niyang nahaharap ang buhay sa kabila ng kapansanan. Hindi siya naaawa sa sarili gaya ng ibang may kapansanan.

Ang panganay kong anak na lalaki ay may alagang babaing baka. Nang dumating ang panahon ng pagpapakasta sa baka hiniling ko kay Elong na dalhin ito sa kabilang baryo para palahian. Inabot ng maraming pagkasta bago nabuntis ang aming baka. Anim na bakang lalaki ang kumasta bago nagbuntis.

Nang lumalaki na ang tiyan ng baka ay tinanong ko si Elong. Kaninong baka ang nakadale sa baka namin?’’

‘‘Aba, hindi ako doktor!’’ sagot nito. ‘‘Pero kapag nanganak ang baka at pilay ang bisiro baka ako ang ama.’’

Biglang bumunghalit ng tawa. Hindi ko napigilang tumawa na rin kahit pa may kinalaman ang biro sa kanyang kapansanan.

Biniro ko na rin siya, ‘‘Kailangang itayo ang puri ng baka. Dapat pakasalan mo dahil sa nabuntis mo.’’

At kapwa kami napaupo sa katatawa sa gilid ng daanan. Masarap kasama si Elong. Nalilimutan ko ang problema sa buhay kapag kasama siya.

Show comments