Tagumpay ang mga awtoridad sa pagkakadakip kay Edris at napigilan ang paghahasik ng lagim dito sa Metro Manila. Hindi na mauulit ang pangyayari noong Dec. 30, 2000 bombings na maraming buhay ang nasayang. Binomba ang LRT sa Blumentritt station, bus sa EDSA, at ang NAIA at ang malapit sa US Embassy.
Habang nagdiriwang sa tagumpay ng pagkakadakip kay Edris, marami rin naman ang sumisigaw na iligtas ang apat na babaing hostages ng Abu Sayyaf sa Jolo. Ang apat ay sina Emily Mantic, Norie Bendijo, at ang magkapatid na Cleofe at Flora Montulo. Dinukot sila ng mga bandido noong Aug. 20, 2002 habang nagtitinda ng Avon products sa Patikul. Ang apat ay mga miyembro ng Jehovahs Witnesses. Ang dalawang kasamahan nila na kasamang kinidnap ay walang awang pinugutan ng ulo. Kinabukasan, August 21, nakita ang mga ulo sa palengke ng Jolo. Bukod sa apat na babae, hawak din ng mga bandido ang tatlong Indonesian sailors.
May apat na buwan na ang mga hostage sa kamay ng mga bandidong pinamumunuan ni Radulan Sahiron. Apat na buwan na silang nagtitiis ng hirap at pasakit. Umanoy humihingi ng P16 million ang mga bandido para palayain ang mga bihag. Kapag ibinigay daw ang kanilang kahilingan, matatapos na raw ang kidnappings sa Jolo at iba pang lugar sa Mindanao.
Sa himig ay nananakot pa ang mga bandido at sinusubukan ang pamahalaan. Dapat ipagpatuloy ng pamahalaan ang opensiba sa Abu Sayyaf. Kung nagawang madakip ang mga miyembrong magsasagawa ng pambobomba, magagawa rin nilang iligtas ang mga babaing hostage. Paano ba nailigtas si Gracia Burnham?