Halimbawa ang Clean Air Act. Tatlong taon na ang lumipas mula nang itakda ang taunang emission test ng lahat ng sasakyang pangkalye. Nitong Oktubre 2002 lang nagsimula ang tests, private at government cars lang ang sakop. In-exempt ng Land Transportation Office ang public utility vehicles: Bus, jeepney, taxi, tricycle. Umangal kasi ang malalaking bus operators. Lugi raw sila kung Oktubre sisimulan, dahil patapos na ang taon. Sa Enero na lang daw.
Ewan ba kung anong klaseng katwiran yon. Alam naman nilang may ganoong section sa batas. Pero pumayag naman ang LTO. Kaya hayun, patuloy ang pag-pollute ng hangin, lalo na sa mga lungsod, dahil sa maduduming diesel engines. Ito pa naman ang sanhi ng lung cancer.
Takda rin ng batas na palagyan sa oil companies ng pampalinis at pampabango sa gasolinat diesel. Pero umangal din ang Big 3: Petron, Shell, Caltex. Kesyo magmamahal daw nang P1.30 kada litro ng fuel kung gagawin nila ito. Kaya, sabi naman ng Department of Energy, sige, saka na lang. E kelan, kung mas mahal na lalo magdagdag ng additives? Ni hindi naman napatunayan ng Big 3 na ganoon nga kamahal ang presyo.
Isa pang dead-letter law ang Seat Belt Act of 1999. Takda nito ang safety ng commuters. Naka-seatbelt dapat lahat ng sakay ng kotse at taxi, at drivers at front passengers ng bus at jeepneys. Pero napag-alaman ng National Institutes of Health na isa sa bawat dalawang driver lang ang nagsi-seat belt, at isa sa bawat apat ng front passenger. Lumabas ito sa survey ng mahigit 36,000 sasakyan sa 16 na rehiyon. Hindi sila sinisita ng awtoridad, samantalang may multa dapat ang lumalabag.
Wala ring pumapansin sa MMDA Regulations 96-009 at 99-006. Utos nito na maglaan ng basurahan lahat ng private at government buildings, simbahan, dormitoryo, restoran, barangay hall at parks. May nakikita ka ba? Takda rin nito na huwag pakuan ng karatula ang mga puno. Pero hayan, pati anunsyo ng mga pulitiko, nakatirik sa puno.