Napaksa na natin ang akusasyon ni JPE na sinisingil ng MERALCO ang consumers sa mahigit P14 bilyong ibinayad nito sa independent power producer na First Gas sa elektrisidad na hindi raw nai-deliver.
Ayon kay MERALCO President Jesus Francisco, mula Disyembre 2000 hanggang Disyembre 2001, ang power requirements ng MERALCO ay nagmula lahat sa NAPOCOR. Ang produksyon ng Sta. Rita plant ng First Gas ay ipadaan sa NAPOCOR. Itoy sa request mismo ng NAPOCOR. Ayon kay Peter Garrucho, CEO ng First Gas, kabuuang 921 milyong kilowatt hours ang nai-deliver noong 2001 pero itoy nasa kredito ng NAPOCOR, bagay na hindi napansin ng butihing ex-senator na nag-akalang zero-delivery ang First Gas.
Una tayong susuporta kay JPE kung balido ang kanyang mga puntos. Katungkulan din ng isang mamamahayag tulad ng inyong lingkod na protektahan ang taumbayan. Kung talagang naaapi at nalalamangan. Pero tila nauubusan na ng argumento si Juan Ponce Enrile.
Ang mga Paikut-ikot at paulit-ulit niyang atake laban sa MERALCO at sa mga independent power producers nito ay ibinasura na ng Kongreso at ng Energy Regulatory Commission. Mismong si Sen. Joker Arroyo, chairman ng blue ribbon committee ang nagsabi na ang MERALCO ay tumalima sa rekisitos ng ERC at ang ERC ay nagsabi na ang business dealings ng MERALCO ay walang nilalabag.
Mr. Enrile should know better having been a defense minister for 25 years and UP-Harvard educated corporate lawyer at that.