Habang marami ang naghihirap at hindi malaman kung paano hihigpitan ang sinturon sa pagtitipid, marami naman ang nababagabag dahil sa sunud-sunod na pambobomba na marami na ang nalalagas ng buhay. Ang pagsabog sa Zamboanga City kamakalawa na ikinamatay ng lima katao at ikinasugat ng 150 ay isang patunay na nakaharap sa mabigat na problema ang bansa. Magkasabay na humahaplit ang pagdarahop at ang takot na baka gumapang nang gumapang ang terorismo at marami pa ang masayang na buhay.
Marami ang bumabatikos sa pamahalaan sa kawalan ng kakayahang maproteksiyunan ang mamamayan laban sa mga naghahasik ng karahasan. Bakit malayang nakapagtanim ng bomba ang mga terorista na hindi natunugan ng military at Philippine National Police? Masyadong naging relax ang mga awtoridad at hindi naging alerto gayong naging sunud-sunod na ang pagyanig ng bomba sa ibat ibang lugar.
Noong Oct. 2, 2002, isang bomba ang sumabog sa isang bar sa Bgy. Malagutay na ikinamatay ng isang US serviceman at dalawang Pinoy. Noong Oct. 10, isang bomba muli ang sumabog sa Kidapawan City, Cotabato na ikinamatay ng anim na tao. Kamakalawa nga ay dalawang bomba ang sumabog sa isang shopping center sa Zamboanga City.
Marami ang nababagabag habang naghihikahos. Pero ang mga itoy tila hindi nakaaantig sa mga nasa puwesto at walang inaasikaso kundi ang pagpalaot nila sa pulitika. Pinaghahandaan ang eleksiyon sa 2004. Para sa kanilang sariling interes muna at saka na ang masa. Marami ang nadaya.