Lampaso ang Pilipinas sa Busan

HINDI ako makahagilap ng mga pananalita upang kahit na papaano ay papurihan ang ating mga manlalaro sa Asian Games sa Busan, South Korea. Mabuti na lamang at mayroong mga bansa na sa simula’t simula pa lamang ay alam nang parang salimpusa na lamang ang partisipasyon. Kung wala ang mga ito, malamang na isa na ang Pilipinas sa mga huli sa listahan ng mga nagkamit ng medalya sa 14th Asian Games.

Masuwerte na lamang na mayroon tayong mga hasang-hasa na sa pang-international na pakikipaglaban sa sports na katulad ni Paeng Nepumuceno na nagtamo ng gold para sa men’s double’s sa bowling kasama si RJ Bautista. Congrats din kay Django Bustamante at Nikoy Lining na kumuha ng gold sa 9-ball doubles, billards. Salamat na rin sa ilang mga kababayan natin na nanalo ng silver at bronze medals.

Nakalulungkot ang sinapit ng Pilipinas sa Busan. Para bagang nalaos na at biglang naglaho ang ningning ng Pilipinas na kailan lamang ay sikat na sikat ang liwanag sa lahat ng sports contest na sinalihan natin. Kahit na sa basketball at boxing na mga pangunahing sport sa ating bansa at inaasahang tatabo ng maraming matataas na medalya ay bokya ang inani natin.

Nawa ay maging kahuli-hulihang leksiyon na ito para sa gobyerno lalo na sa mga sports officials. Naitatanong ko, may K ba tayong sumali sa mga larong nilalampaso lamang tayo. Katulad ng basketball, kay dami ng mga taong ginagastusan lang natin, wala naman pala tayong ibubuga. Kung kahihiyan lamang ang matatamo natin sa pagsali sa mga nasabing torneo, mabuti pa ay ibaling na lang natin sa iba kung saan natin makakamit ang puri at karangalan para sa ating bansa.

Show comments