Nakakagimbal ang PNP report na may al-Qaeda cells sa Bulacan at Pampanga. Nito lang 2002, natimbog ang isa ring cell sa Pangasinan, at nahulihan ng mga dinamita ang isang Arabo sa Bataan. Apat daw ang cells sa Pilipinas na may bansag na Mastiqi 1, 2, 3 at 4. Binubuo ang Mastiqi-3 ng mga taga-Jordan, Sudan at Yemen. Ito raw ang nagbomba sa videoke bar sa Zamboanga nung nakaraang linggo kung saan isang sundalong Amerikano at dalawang sibilyang Pilipino ang namatay.
Kasabay ng ulat ng PNP ay babala mula sa Washington na nag-decentralize na ang al-Qaeda. Hindi na raw ito nagre-report kay Osama bin Laden para mag-terrorist attack tulad ng sa World Trade Center nung 9/11. Binigay na sa maliliit na grupo ang pagpaplano at pambobomba.
Nang pasabugin ni Bin Laden ang apat na passenger jets sa New York at Pentagon, hangad niyang umalsa lahat ng Muslim at tirahin ang mga di-Muslim. Hindi ganun ang nangyari. Sa buong mundo, binatikos ng Muslim leaders ang kahayupan niya. Pati mga radikal na mullah at imam, tinakwil ang terorismo ni bin Laden. Natuwa sila nang bumagsak ang naghaharing Taliban sa Afghanistan. Si Saddam Hussein lang ng Iraq ang kumontra sa US retaliation.
Ginamit ng Muslim governments ang pagkakataon para durugin ang Islamic radicals sa kani-kanilang bansa. Nag-crackdown sa Egypt, Turkey, Algeria at Pakistan. Ang naging problema ng mga Muslim ay ang pagtingin sa kanila ng ibang relihiyon na tila bayolenteng kulto.
Sa pagpatay ni bin Laden ng mahigit 3,000 tao, kinasuklaman siya ng kapwa-Muslim. Hindi naganap ang hangad na pandaigdigang jihad. Sa halip, pagtugis ang inabot ng extremists, katulad ng Jemaah Islamiya sa Pilipinas, Malaysia, Singapore, Indonesia at Thailand. Paubos na rin ang Abu Sayyaf sa Zamboanga, Sulu at Basilan. Kung may bagong cells man ang al-Qaeda sa Luzon at Mindanao, tila nagtatakbuhan na sila.