'Get out of the way or we'll run you over'

SIMULA ngayong araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes ay regular n’yo ng mababasa ang aking kolum sa pahayagang ito.

Wala akong paliguy-ligoy pa. Kapag kayo’y naisulat sa espasyong ’to, dalawa lang ang inyong magagawa, humarap o umiwas. Kapag nangyari ito, dalawa lang ang puwedeng gawin, magsinungaling o umamin.

Pinaiiral namin ang salitang PATAS at PAREHAS. Nasa sa inyo kung gagamitin n’yo ang karapatan. Sa mga taong tatamaan at masasagasaan partikular ’yung mga may itinatagong kabantutan, alam namin na kami ’yung taong inyong isusuka.

Wala kaming pakialam kung sino man kayong mga higante o duwende at kung sino man kay Hestas Hudas o Barabas ang inyong sinasandalan. Mahalaga sa amin ang pawang KATOTOHANAN. Hindi ito puwedeng baluktutin. Diretso kami sa aming pananalita at panunulat, ‘‘Ang puti ay puti. At ang itim ay itim.’’ At hindi ito puwedeng pagbaligtarin.

Doon sa mga bastardong putok sa buho na ang trabaho ay gumanap na ‘‘tulay’’ upang mapagtakpan ang katotohanan, ito ang aming masasabi, ‘‘get out of the way or we’ll run you over.’’

Uulit-ulitin ko ang aking sinasabi noon, ngayon at magpakailanman, ‘‘wala sa bokabularyo ko ang salitang TAKOT at ATRAS.’’ Doon sa mga gustong makipagsubukan, umpisahan n’yo, tatapusin ko. Ang alam kong labanan ay sabayan at harap-harapan.

Gusto kong ipaabot sa aking target singlinaw ng sikat ng araw, ‘‘hindi mo kayang hadlangan ang aming ginagawang imbestigasyon sa larangan ng pamamahayag sa telebisyon, sa radyo at higit sa lahat sa pahayagang ito.

Tuldukan mo na ang pang-aarbor. Dahil ang iyong taong pinagtatakpan ay kasing baho mo. Ikaw na nag-mamay-ari ng isang AM station sa bandang gitna, huwag mong pakialaman ang aking broadcast sa bandang kanan. Ang programa ko sa radyo sa 1530 sa DZME ay back-up lang ng ‘‘BITAG’’ na mapapanood sa ABC-5 tuwing Sabado, 5:00-5:30 ng hapon.

Kapag hindi mo tinigilan yang iyong ‘‘panggagapang’’ para pagtakpan yang kauri mo sa negosyo ng establisimiyentong parausan ng tawag ng puson (motel) tsk… tsk… tsk… Babalatan kita ng buhay! Tumigil ka na ‘‘kabaong,’’ Hindi ko binabastos ang pangalan mo pero katunog ng pangalan mong ‘‘Kabangon’’ ang kabaong.

Show comments