Pero ang ganitong senaryo ay hindi lamang pala sa pelikula nangyayari. Totoo rin sa tunay na buhay kung ang pagbabatayan ay ang kuwento ng mga pulis. Ganito ang nangyari sa suspected assassin na si Victor Macaldo na napatay ng mga pulis noong Martes ng umaga habang nakasakay sa owner type jeep para dalhin sa Manila City Hall upang dumalo ng hearing. Nakaposas si Macaldo. Ayon sa mga escort na pulis, habang tumatakbo ang jeep sa Romualdez St., dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang kanilang nakita at pinagbabaril sila. Sinamantala umano ni Macaldo ang pagkakataon at inagaw ang baril ni PO2 Jonathan Ruiz. Mabilis naman ang isa pang escort na si PO1 Leslie Bautista at tinabig ang kamay ni Macaldo at pumutok ang baril. Tinamaan sa hita si Macaldo. Muli umanong inagaw ni Macaldo ang baril at binaril na siya ni Bautista. Nakatakas naman ang dalawang lalaking nakamotorsiklo. Namatay sa ospital si Macaldo. Si Macaldo ay suspect sa pagpatay kay dating Manila Councilor Chika Go noong Aug. 10, 2002 sa Binondo.
Pero ang pagkakapatay kay Macaldo ay nakapagdududa. Maski ang nagdadalamhating ina ng napatay ay hindi makapaniwala sa pangyayari. Sinabi ng ina na ipinangako ng mga pulis na poprotektahan nila ang kanyang anak subalit hindi niya malaman kung ano ang nangyari at napatay ito. Wala siyang magawa kundi ang umiyak nang umiyak sa sinapit ng anak.
Patay na ang suspect at ang kaso ng pagpatay sa dating Manila councilor ay malamang na wala na ring patutunguhan. Mawawala nang parang bula hanggang sa hindi na pag-uusapan. Mabibilang sa mga hindi nalutas na kaso ng pagpatay. Hindi na malalaman kung sino ang utak at ano ang motibo. Wala nang magsasalita sapagkat pareho nang nasa ilalim ng hukay. Parang scene sa pelikulang aksyon ang buhay.