Hindi sanay kumain sa handaan

‘‘ALAM mo bang hindi pa ako nakakakain sa isang pormal na handaan?’’ Sabi ni Tata Poloniong sa akin habang tinatapos namin ang pagkain. Nadala ako ng kanyang katapatan at naisip ko ang sariling sitwasyon. Kailan din ba ako unang nakaharap sa pormal na handaan? Noong ako ay nasa kolehiyo pa.

‘‘Ayoko talaga sa isang pormal na kainan. Hindi sa dahil hindi ako komportable pero ayoko talaga."

‘‘Sanayan lang ’yan Tata Poloniong,’’ sabi ko sa kanya.

"Ewan ko pero ayaw ko talaga sa handaang pormal. Problema ko nga sa susunod na linggo. Darating ang mga classmate ng aking anak dito. Tiyak gagamit na naman ng kutsara at tinidor.’’

‘‘Hindi ba’t nakadalo ka na rin sa kainan sa kasalan? Hindi ba’t gumagamit doon ng kutsara at tinidor?"

"Alam ko pero iyon ay para lamang sa mga mahahalagang bisitang tulad mo. Kaming mga taga-rito ay hiwalay na kumakain. Ginagawa namin ito sa dahon ng saging at malayo sa iba pang bisita. Ang iba ay talagang lumalayo at nagtatago. Kaya ako ay bihasang kumain na nakatayo.’’

‘‘Pero alam mo Tata Poloniong, ako man ay nagkakaproblema kapag dumadalo sa mga pormal na handaan sa lungsod.’

‘‘Talaga?" nagliwanag ang mukha ni Tata Poloniong. "Ikaw na isang doktor ay may katulad ko ring problema.’’

‘‘Huwag mong kalimutan na ipinanganak ako sa isang mahirap na pamilya sa Tondo.’’

‘‘Ngumunguya ka ring bukas ang bibig at nagsasalita kahit puno ang bibig?’’

Tumango ako at bumunghalit ng tawa si Tata Poloniong at hinampas ng kamay ang ibabaw ng lamesa.

Show comments