Mataas na opisyal ng PNCC pinagalitan ni GMA

ALAM n’yo bang sinermonan sa Malacañang kahapon ang isang mataas na opisyal ng Philippine National Construction Corporation (PNCC)?

Ayon sa aking bubuwit, 92 days na lang at Pasko na.

Happy birthday muna kay Ms. Jennifer ‘‘Flowers’’ Simon ng DZRH; Rocio Matute Lista, Brylle Alwyn Agalud-ud ng Currimao, Ilocos Norte at Atty. Amor Bulalacao Sancio mula sa kanyang loving roommate na si Atty. Gary Sancio.
* * *
Alam n’yo bang pinagalitan at sinermonan pa kahapon sa Malacañang ang isang mataas na opisyal ng PNCC?

Ayon sa aking bubuwit, namula ang bumbunan ng PNCC opisyal matapos pagalitan ni President Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang mga opisyal ng PNCC ay ipinatawag sa Malacañang kahapon ng hapon at tinalakay ang maraming problema ng PNCC tungkol sa North at South Luzon Expressways. Kasama na rito ang pagtaas ng toll fees sa South Luzon Expressway at ang sira-sirang North Luzon Expressway.

Sa nasabing meeting ay pinag-usapan din ang nangyayaring graft and corruption sa PNCC. Ito ay may kaugnayan sa ilang kontrata na ipinasok ng isang opisyal ng PNCC at pati na ang kanyang asawa. Bukod diyan nagpasok din ng mga empleado at mga security personnel mula sa isang agency na pag-aari rin ng isang opisyal.

Biro n’yo, para lamang magkaroon ng kontrata ang misis nitong opisyal na nagmamalinis, pinalitan ang mga radio equipments nila kahit mahusay pa ang kanilang mga gamit.

Ito ang dahilan kaya nag-rally kamakailan ang mga empleado ng PNCC sa kanilang tanggapan sa Mandaluyong City.

Ang kapal-kapal n’yong mag-asawa, Sir?
* * *
Ayon sa aking bubuwit, ang isa pang ikinagalit ni GMA sa mataas na opisyal ng PNCC ay ang pag-pabor nito sa kanyang mga kaibigan at ka-miyembro sa isang grupo ng mga Civil Society kuno.

Grabe naman ang opisyal na ito.

Ipinagyayabang nito na mayaman na sila at gusto na lamang maglingkod sa bayan kaya pumasok sa gobyerno, ’yun pala’y mas masahol pa pala ito.

Ang malungkot ginagamit pa ng opisyal ang pangalan ni Lord. Meron pa silang pa-prayer-prayer meeting sa PNCC, yun pala’y kampon pala ito ng demonyo.

Siguro, ang hiniling niya kay Lord ay sana ay hindi mag-iingay ang mga negosyanteng hiningan nila ng tig-P5 milyon kapalit ng approval sa pagtatayo ng gasoline station sa mga expressway.

Ayon sa aking bubuwit, ang opisyal ng PNCC na namula ang bumbunan nang pagalitan ni GMA kahapon ay si…

Kung meron ka pang natitirang delicadeza Sir ay mag-resign ka na lang. Nakakahiya ka!

Siya ay walang iba kundi si Mr. S. as in Sermon.

Show comments