Pagtalima sa balak ng Diyos

SINA Jesus at Juan Bautista ay nagpunyaging hikayatin ang mga Israelita na sumunod sa mga balakin ng Diyos. Ang mga Pariseo at Eskriba’y tumangging sumunod sa mga ito. Sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, pinagsabihan ni Jesus ang mga naturang matitigas ang ulo. (Lk. 7:31-35).

‘‘Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ngayon? At ano ang nakakatulad nila? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro, ‘‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumasayaw! Nanambitan kami, ngunit hindi kayo tumatangis!’’ Sapagkat naparito si Juan Bautista na nag-aayuno at hindi umiinom ng alak at sinasabi ninyo, ‘‘Inaalihan siya ng demonyo.’’ Naparito naman ang Anak ng Tao, na kumakain at umiinom tulad ng iba, at sinasabi ninyo, ‘‘Masdan ninyo ang taong ito! Matakaw at naglalasing, kaibigan ng mga publikano at ng mga makasalanan?’’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napapatunayang matuwid sa pamamagitan ng kanyang mga anak.’’


Tinukoy ni Jesus ang ‘‘mga tao ngayon.’’ Ito’y ang mga Pariseo at mga Eskriba. Ang mga ito’y tuwirang binanggit sa nauna ng talata, v.30: ‘‘Subalit tinanggihan ng mga Pariseo at ng mga Eskriba ang layunin ng Diyos sa kanila sapagkat hindi sila napabautismo kay Juan." Paano sila isinalarawan ni Jesus? Sila’y tulad ng mga bata. Isang pangkat ang tumutugtog ng plauta, samantalang ang isang pangkat naman ay hindi sumasayaw sa tugtugin. Si Juan Bautista ay may ibang uri ng pamumuhay. Kakaiba rin naman ang naging pamumuhay ni Jesus. Si Juan ay hindi kumain ng tinapay, ni uminom ng alak. Napaka-simple ng kanyang pamumuhay. Subalit itinuring siyang nasisiraan ng ulo ng mga Pariseo. Si Jesus naman ay kumain at uminom tulad ng iba. Nakisalamuha siya sa mga tagakolekta ng buwis at sa mga makasalanan. Tinawag naman siyang matakaw at lasing ng mga Pariseo.

Nagtapos ang Ebanghelyo sa pamamagitan nang pagsaad na mapalad ’yung mga tumatanggap sa karunungan ng Diyos; ’Yung mga tumanggap sa Bautismo kay Juan; ’Yung mga sumunod sa mga itinuturo ni Jesus.

Paano ninyo titimbangin o huhusgahan ang inyong sarili? Tinanggap n’yo na ba ang karunungan ng Diyos?

Show comments