Tinanong sila ni Jesus na patalinghaga: Maaari bang akayin ng isang bulag ang isa pa ring bulag? Kapag ganoon ang kanyang ginawa, kapwa sila mahuhulog sa hukay. Walang alagad ang mas hihigit pa kaysa sa kanyang guro: Subalit kapag lubusang naturuan, siyay magiging katulad ng kanyang guro.
Bakit ninyo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid, subalit hindi mo nakikita ang tahilan sa iyong sariling mata? Paano mo masasabi sa iyong kapatid, Kapatid, bayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata, datapwat hindi mo makita ang tahilan sa sarili mong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa inyong sariling mata, at malinaw kang makakakita upang alisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
Malinaw na ang isang bulag ay hindi maaaring umakay sa isa pang bulag. Ang isang taong may paningin ang maaaring makagawa ng gayon. Hindi tayo maaaring magpanggap na sabihin kaninuman ang daan kung di-natin alam kung nasaan ang lugar o daraanan. Pinatingkad ni Jesus ang talinghaga upang maging malinaw ang aral o leksiyon.
Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad na dapat nilang iwasan ang maging mayabang kapag tinutuwid nila ang mga kakulangan ng iba. Muli may ekseherasyong ginamit: Isang tao na nakakakita sa isang maliit na puwing sa mata ng kanyang kapatid, samantalang ang isang tahilan na tumatakip sa kanyang sariling mata ay hindi makita. Sa ibang salita, ang isay hindi dapat magtuwid ng maliit na pagkakamali ng kapwa samantalang ang sarili niyang mas malaking pagkakamali ay hindi niya maituwid.
Ituwid muna ninyo ang inyong sariling mas malalaking pagkakamali bago ninyo sabihin sa iba ang kanilang mas maliit na pagkakamali. Si Jesus ay makatwiran at napakahusay na guro.