^

PSN Opinyon

Hindi napatunayan ang pagkatao

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -
KARANIWAN, ang birth certificate ay sapat na ebidensya para mapatunayan ang pagkatao o ikapagpapakilala ng isang tao. Subalit minsan, ang pagkakatala sa mga dokumentong ito ay hindi mapagkakatiwalaan. Sa kaso nina Vicky at Jimmy at sa mga nauna at mga bagong kaso, ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang birth certificate ay hindi maituturing na sapat na ebidensya sa nasabing isyu.

Noong Enero 1990, nagkakilala sina Jimmy at Vicky. Pagdating ng Hunyo 1990, madalas na silang magkasama at humantong iyon sa isang sekswal na relasyon. Nagpakasal na rin sila ng sibil noong Oktubre ng nasabing taon. Subalit natuklasan na lamang ni Vicky noong Marso 1992 na si Jimmy ay kasal na pala. Sa gayon, walang bisa ang kanilang kasal na sibil. Sa panahon ng pagkakatuklas ay nakapanganak na siya ng dalawang lalaki, sina Biboy, isang-taong gulang at si Jimboy, isang buwan pa lamang.

Nagsampa ng petisyon ng sustento si Vicky laban kay Jimmy at kabilang na isinumite ang mga birth certificates nina Biboy at Jimboy. Nabigla si Jimmy dahil nakatala ang pangalan niya rito bilang ama ng mga bata. Sinabi niya na kilala niya ang mga bata bilang mga anak ni Vicky subalit siya ay tumayong ninong lamang ng mga ito.

Tinanggap ng mababang hukuman ang mga certificates of live birth kabilang ang ilan pa sa mga isinumiteng dokumento bilang patunay na si Jimmy ang ama nina Biboy at Jimboy. Tama ba ang korte?

Mali.
Ang certificates of live birth nina Biboy at Jimboy ay hindi sapat na ebidensya sa isyu ng ikapagpapakilala na si Jimmy ang ama nila. Ayon sa Artikulo 280 ng Kodigo Sibil, kung magkahiwalay na ginawa ng ama o ina ang pagkilala, sinuman sa kanila ay hindi maaaring magtapat ng pangalan ng taong naging dahilan sa pagiging tao ng bata; sinuman sa kanila ay hindi rin dapat magsabi ng alinmang mga palatandaang makapagpapakilala sa isang magulang.

Ang Local Civil Registrar ay walang awtoridad na magtala ng ikapagpapakilala ng isang ilehitimong anak base lamang sa ibang tao, at ang certificate of birth ng isang ilehitimong anak na kung saan ang ina lamang nito ang pumirma at walang pirma ng ama ay isang huwad na patunay ng ikapagpapakilala ng kanyang pagkatao.

Dahil dito, itinanggi ang petisyon ng sustento ni Vicky. Ang mga isinumite niyang dokumento at mga ebidensya kasama na rito ang kanyang sariling testimonya ay hindi sapat na nagpatunay na sina Biboy at Jimboy ay mga anak ni Jimmy. Ito ang desisyon sa kaso ng Fernandez et al. vs. Court of Appeals 230 SCRA 130.

ANG LOCAL CIVIL REGISTRAR

BIBOY

COURT OF APPEALS

ISANG

JIMBOY

JIMMY

KODIGO SIBIL

KORTE SUPREMA

VICKY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with