Isang araw ng mga himala

IPINAHAYAG ni Jesus ang paghahari ng Diyos hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang mga salita kundi pati na rin sa mga ginawa niyang mga himala. Ibinigay ni Lukas sa atin ang isang salaysay tungkol dito sa kuwento ngayon sa Ebanghelyo (Lk. 4:38-44).

‘‘Umalis si Jesus sa sinagoga at nagtungo sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyenan ni Simon, kaya’t ipinamanhik nila kay Jesus na pagalingin siya. Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala nga ito. Noon di’y tumindig ang maysakit at naglingkod sa kanila.

‘‘Paglubog ng araw, ang lahat ng maysakit – anuman ang karamdaman – ay dinala ng kanilang mga kaibigan kay Jesus. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Nagsilabas sa marami ang mga demonyo, sabay sigaw, ‘Ikaw ang Anak ng Diyos!’ Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita, sapagkat nakilala nila na siya ang Mesias.

‘‘Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag munang umalis. Subalit sinabi niya, ‘Dapat ko ring ipangaral sa ibang bayan ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos; sapagkat iyan ang layunin ng pagkasugo sa akin.’ At nangaral siya sa mga sinagoga sa Judea.’’


Itala ninyo kung paanong pinagaling ni Jesus ang biyenan ni Pedro. Inutusan niya ang lagnat na iwanan ang babaeng maysakit. Itala rin ninyo ang reaksyon ng babaing pinagaling ‘‘naglingkod siya sa kanila.’’ Siya’y naging isang tagasunod.

At ang ibang mga maysakit ay dinala kay Jesus at pinagaling niyang lahat ang mga ito. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila. Yaong mga inaalihan ng masasamang espiritu ay napagaling at napalaya mula sa mga ito.

Hindi nilimitahan ni Jesus ang kanyang gawain sa iisang bayan lamang. Nagpunta rin siya sa ibang mga bayan at nayon upang ipahayag ang paghahari ng Diyos.

Nang kayo ay nagkaroon ng karamdaman, naisip n’yo bang hilingin kay Jesus na kayo’y pagalingin niya? Na ipatong niya ang kanyang mga kamay sa inyo upang kayo’y gumaling?

Si Jesus ay mahabagin. Naparito siya upang magpagaling hindi lamang sa kanyang kapanahunan kundi pati na rin ngayon at palagi.

Show comments