Ang pangangailangang maging handa

MARAMING tao ang bigla na lamang namamatay. May dahil sa sakuna, stroke at atake sa puso. Datapwat napakahalaga para sa atin na maging handa para sa kamatayan.

Narito ang isang talinghaga mula kay Mateo na ebanghelyo para sa araw na ito. (Mt. 25:1-13).

‘‘Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: May sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima’y matalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Subalit ang matatalino’y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan. Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya’t inantok silang lahat at nakatulog.

‘‘Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw: ‘‘Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!’’ Agad nagbangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘‘Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e." ‘‘Baka hindi magkasiya ito sa ating lahat,’’ tugon ng matatalino. ‘‘Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo,’’ Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at ipininid ang pinto.

‘‘Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘‘Panginoon, papasukin po ninyo kami!’’ sigaw nila. Ngunit tumugon siya, ‘‘Sinasabi ko sa inyo: Hindi ko kayo nakikilala.’’ Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.’’


Ang isang napakahalagang aral na nais ipahatid sa atin ng talinghaga ay ang maging handa para sa kamatayan. Dapat palagi tayong maging handa na humarap sa Panginoon. Ang patron para sa isang mabuti at masayang kamatayan ay si San Jose. Dumalangin tayo at hilingin sa kanya ang biyaya ng isang masayang kamatayan.

Si Jesus mismo ay dumaan sa kamatayan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na muli tayo ay kanyang iniligtas. Nais niya tayong maligtas. Dapat nating pahalagahan ang ating kaligtasan bilang pinakamahalagang gawain na dapat isakatuparan sa buhay na ito.

Show comments