^

PSN Opinyon

Doktor ng buhay

BAGONG SIBOL - BAGONG SIBOL ni Glena Fe A. Yapchulay -
"ANO ang gusto mo paglaki?’’

‘‘Maging doktor po!"

‘‘Bakit?’’

‘‘Kasi gusto ko pong makatulong sa mga mahihirap.’’

Marahil ito ang iyong madalas na marinig sa mga bata na may pangarap at makahulugang layunin. Isa ako sa mga batang iyon, noon simple lang ang ideya ko ng isang doktor at pagtulong sa mga kapuspalad. Para sa akin, ang pagiging doktor ay nagbibigay ng gamot sa taong may punit-punit na damit at nilalagnat.

Makalipas ang maraming taon, isa na akong mag-aaral ng medisina ngayon, ilang hakbang na lamang ay matutupad na ang pangarap kong manggamot.

Medical Missions… dito ako napapalaban sa mga katotohanan ng buhay. Dito ko natutuhan ang maraming bagay na hindi nakasulat sa makakapal na libro na aming pinag-aaralan. Sa isang misyon na aking dinaluhan, mahabang pila at napakaraming taong nagkakagulo ang tumambad sa akin at sa aking mga kasamahan. Maraming may punit-punit na damit at nilalagnat!

Sinimulan namin ang aming pakay doon, hindi lamang bigyang lunas ang lagnat kundi tukuyin at gamutin ang pinagmumulan nito. Hawak ko ang stethoscope upang pakinggan ang tibok ng puso, ang pagpasok at paglabas ng hangin sa baga, at kuhanin ang presyon ng dugo. Ngunit mayroon pa akong pinakinggan… ang nararamdaman na sakit ng puso ngunit tanging mga salita lamang ng nakararamdam ang makapaglalarawan at sinasabayan pa ng mga luha habang kinukuwento ang hirap ng buhay. Maraming batang payat at malalaki ang mga tiyan. Ubo, sipon, nahihilo, nanghihina, masakit ang iba’t ibang parte ng katawan, mga nagdudugo at nagnananang sugat, ay ilan lamang sa mga daing na aking narinig.

Bakit nga ba sila nagtitiyaga sa mainit at mahabang pila na kung tutuusin ay matagal na silang may nararamdamang sakit sa kanilang katawan at noon pa’y dapat nagpunta na sa isang klinika? Iisa ang kanilang tugon, ‘‘Kasi libre ang konsultasyon at gamot.’’

Naaalala ko pa na hindi iisang beses na ang resetang gamot sa hilo at panghihina dulot ng anemia ay wala pang P20 ang aabutin ay hindi kayang bilhin dahil sa kakapusan ng pera. Kaya tinitiis ang sakit. Katwiran nila ay kaysa ibili ng gamot ay ibibili na lamang nila ng pagkain para sa buong pamilya. Kung kaya’t ang sakit na simple lang ay lumalala sa pagdaan ng panahon dahil hindi nasuportahan ng gamot. Nakaaawa ang kalagayan ng ilan nating kababayan. Subalit may ilan din namang pagkakataon na kailangang gisingin ang tila natutulog na diwa tulad na lamang ng, ‘‘wala ka kamong pambili ng gamot ngunit ayon na rin sa iyo ay malakas kang manigarilyo at uminom ng alak kaya ka nga nagkasakit, ano ang pambili mo ng iyong bisyo?’’ Meron din namang napakaraming mga anak at buntis pa ulit, kapag tinanong kung iniisip ba nila ang kinabukasan ng kanilang mga anak bago sila magdagdag ng buhay sa mundo, tanging ngiti ang tugon.

Aking natutuhan na ang pagtulong pala ay hindi palagiang pagbibigay ng isda kundi dapat silang turuan mangisda upang umunlad ang pamumuhay. Akin ding napag-isipan na ang karamdaman ng pasyente ay hindi kayang magamot ng kahit pinakamagaling na doktor kung ang may katawan mismo ay hindi tinutulungan ang kanyang sarili.

Kung ang pambili ng sigarilyo at alak ay ipunin na lamang at ipambili ng gamot o pagkain para sa pamilya, ang may katawan ay makaiiwas pa sa sakit at sa tamang nutrisyon ay lalakas pa ang katawan. Kung gayon ay maaaring magtrabaho at kumita ng pera. Ang buhay ay maaaring bumuti.

Kung iisipin lamang ang kinabukasan ng mga anak at magplano ng pamilya, mas mabibigyang pansin ang edukasyon at kalusugan ng mga bata. Sana nga ay wala nang palaboy-laboy sa kalye na mga bata bagkus sila ay nasa paaralan at may magandang kinabukasang naghihintay.

Kung ang bawat isa ay magiging malinis sa kapaligiran, sana mababawasan ang mga sakit na maaaring magdulot ng kamatayan sa mga tao. Kung atin lamang iisipin, mas mabuti pa ang umiwas sa sakit kaysa sa gamutin ito.

Ang lahat ng bagay ay hindi natin maaaring iasa na lang palagi sa libre at isisi sa gobyerno ang kahirapan ng buhay dahil ang bawat isa sa atin ay may magagawa kung tayo lamang ay kikilos kung nais nating maging maunlad ang buhay.

BAKIT

GAMOT

KASI

KUNG

LAMANG

MARAMING

MEDICAL MISSIONS

SAKIT

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with