Sa malalimang pagsusuri, pinalalakas ni Velasco ang paratang kay Medel. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagsulsi sa lahat ng butas sa kaso. Sinaad niya lahat ito sa isang sworn statement.
Duda talaga si Velasco kay Medel. Kaya nung nagwala ito sa harap ng media, hindi basta pinalusot ni Velasco. In-order niya na ulitin ng CIDG, lalo nat walang ibang witness na maipresenta ang PNP para idiin si Medel. Pero in-order din niya ang NBI na imbestigahan din ang kaso. Kung si Medel nga ang salarin, ani Velasco, e di ihabla siya. Pero hindi dapat i-torture. Kasi kapag umangal si Medel sa Korte na binugbog siya para umamin, absuwelto tiyak siya.
Duda rin si Velasco kay Gualberto. Kasi, matagal na niya itong nakaka-trabaho bilang piskal na taga-usig sa mga kinakasuhan ng CIDG. Marami nang nakitang kapalpakan si Velasco sa hepe. Binulungan pa siya ni ex-Justice Harriet Demetriou, abogada ng anak ni Nida, na sinabit ni Gualberto ang imbestigasyon sa Calauan rape-murders nung 1996. Si Demetriou ang judge na nag-convict kay Calauan Mayor Sanchez sa pagpatay sa dalawang U.P.-Los Baños students. Kaya nung simula pa lang, ipinayo na ni Velasco kay Justice Secretary Nani Perez na isama ang NBI sa pag-imbestiga ng Nida Blanca murder. Malamang kasing butas-butas ang trabaho ni Gualberto.
Maraming itinago si Gualberto kay Velasco, na inatasan ni Perez na hawakan ang kaso. Natuklasan ng piskal na asset pala si Medel ng tao ni Gualberto, si Supt. Robert Versoza. At minsan palay pina-confine ito ng PNP sa mental ward. Dapat alam ng piskal ito, para di-magulat sa Korte.