Desidido si President Gloria Macapagal-Arroyo na maging malinis ang kanyang pamahalaan kaya nagpapakita na ng tigas laban sa mga halang ang kaluluwa at corrupt. At maski sa kanyang mga kasamahan sa Cabinet ay wala nang pagpipigil si Mrs. Arroyo. Ipinag-utos niya noong Lunes sa Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) na imbestigahan si Roco base sa isinampang reklamo ng DepEd Central Employees Union.
Kinabukasan, ay agad nagbitiw si Roco. Hindi na pinatagal ang puwit sa DepEd. Agad nag-alsa balutan at nagpakitang may delikadesa. Noong Miyerkules ay ineskedyul ang pagkikita nila ni Mrs. Arroyo sa Malacañang subalit inisnab ito ni Roco. Noong Huwebes ay muling itinakda ang pag-uusap ng dalawa subalit hindi na naman dumating si Roco. Kahapon ay tinanggap na ni Mrs. Arroyo ang resignation ni Roco.
Maraming ginagawang pagbabago si Roco sa DepEd at nataon pa ito sa kanyang pagbibitiw. Marami pa namang dapat tapyasing corrupt sa departamento. Sa pagbibitiw ni Roco tiyak na uusbong muli ang mga tiwali. Ang departamento ay isa sa mga corrupt na sangay ng pamahalaan. Nadungisan na ito noong panahon ni dating President Estrada.
Sa pagbibitiw ni Roco, dapat namang ipagpatuloy ni Mrs. Arroro ang pagwalis sa mga tiwali. Kung may matibay na ebidensiya kay Roco, dapat ituloy ang imbestigasyon. At hindi lamang sa DepEd dapat mag-concentrate si Mrs. Arroyo kundi pati na sa lahat ng departamento na napapaligiran ng mga corrupt. Maraming corrupt sa BIR, DPWH, DENR, PNP, DOH, Customs, Immigration at maraming iba pa. At marami sa mga corrupt na opisyal ay hindi alam ang kahulugan ng delikadesa. Ang ginawa ni Roco ay magandang halimbawa sa pagpapakita ng delikadesa. Hindi siya kapit-tuko sa poder.