Sobrang kapangyarihan

SI Elmo at Tina ay kinasal noong 1933. Nagkaanak sila ng anim. Noong 1940, ginawaran si Tina ng eksklusibong karapatan sa 10 ektaryang palaisdaan sa ilalim ng Fisheries Act No. 4003.

Noong March 2, 1957, namatay si Elmo. Sa kabila nito, tinuloy pa rin ni Tina ang pag-papatakbo ng palaisdaan. Ngunit noong Agosto 7, 1967, ipinasya na ni Tina na ipagbili ang karapatan niya sa palaisdaan kay Olivia. Nagpirmahan sina Olivia at Tina ng kontrata ng pagbebenta noong June 28, 1969. Isinalin na ni Tina ang lahat ng karapatan niya sa palaisdaan na iginawad sa kanya ng Bureau of Fisheries.

Noong January 3, 1989 naghabol ang anim na anak ni Tina sa palaisdaan. Dinemanda nila si Olivia. Hiniling sa Korte na pawalang bisa ang bentahan nina Tina at Olivia dahil ang palaisdaan daw ay pag-aari ng kanilang ina’t ama. Kaya nang namatay si Elmo, ang kalahati nito ay dapat mapunta sa kanila bilang mana nila sa kanilang nasirang ama. Ayon naman kay Olivia, ang palaisdaan daw ay sariling pag-aari lang ni Tina. Ayon sa batas, ito’y eksklusibong ginawad kay Tina lamang. Tama ba si Olivia?

Mali po si Olivia.
Tinuturing ng batas na anumang pag-aari na natamo ng mag-asawa sa panahong nagsasama sila bilang mag-asawa ay para sa kanilang dalawa at di sa isa’t isa. Ang pagtuturing na ito ay mananaig kung walang matibay na katunayan na natamo ang pag-aari para sa isa lamang sa kanila. Sa kasong ito, malinaw na natamo ang palaisdaan noong mag-asawa na sina Elmo at Tina. Walang sapat na ebidensiyang naipakita si Olivia na ito’y pag-aari lamang ni Tina maliban sa kanyang sariling deklarasyon tungkol dito.

Kaya ang kalahati ng palaisdaan ay para kay Elmo bilang parti nito sa pag-aari pa ng mag-asawa. At noong namatay siya may karapatang magmana ang anim nilang anak kasama si Tina. Samakatwid 1/7 ng palaisdaan ang mapupunta sa bawat anak at 6/7 kay Tina. Dahil dito, 6/7 lang ng palasidaan ang maaring ipagbili ni Tina kay Olivia. Sa kabila nito, ang bentahan nina Tina at Olivia ng kabuuan ng palaisdaan ay walang bisa pa rin dahil ito’y di inaprubahan ng Secretary of Agriculture and Natural Resources na kinakailangan sa ilalim ng batas. (Dancin vs. Court of Appeals et. al. G.R. 119991 November 20, 2000)

Show comments