Kaso ng bus driver na nakabangga ng kotse

SI Bert ay driver ng isang bus pampasahero. Dahil sa walang ingat na pagmamaneho, nakabangga siya ng kotse. Grabe ang pagkasira ng kotse. Nasugatan ang mga pasahero ng kotse na sina Esther at Myrna. Naospital ang dalawa dahil sa mga kapinsalaan.

Idinemanda si Bert ng CBS Co. Kompanyang may-ari ng kotse at nina Esther at Myrna ng krimeng damage to property and serious physical injuries thru reckless imprudence. Nireserba ng CBS Co. at nina Esther at Myrna ang paghabol sa kompanya ng bus. Ayon sa batas, ang may-ari ng bus ang dapat managot din kung napatunayang nagkasala si Bert at ito’y walang pambayad sa pinsala.

Matapos ang paglilitis, napatunayan ngang nagkasala si Bert. Nakulong ito at hindi nakabayad ng danyos. Kaya dinemanda nina Esther ang kompanya ng bus para bayaran ang danyos. Sa paglilitis, pinirisinta nina Esther ang desisyon ng hukuman tungkol sa pagkakasala ni Bert sa krimen. Ayon naman sa kompanya ng bus, hindi sila dapat managot dahil ginawa nilang lahat at masigasig nilang pinag-aralan ang kwalipikasyon ni Bert bago nila hinirang ito bilang driver. Hindi raw sila dapat managot sa kapabayaan at kawalang bahala ni Bert. Tama ba ang kompanya ng bus?

Mali.
Ang obligasyon ng kompanya sa danyos na ginawa ni Bert ay maaaring magmula sa Kodigo Penal. Dito sa kasong ito, ang batayan nina Esther ang desisyon ng husgado sa kriminal na kaso laban kay Bert. Kapag ang batayan ng danyos ay ang Kodigo Penal hindi maaaring gawing depensa ang pagsikap, at pagiging maingat sa paghirang ng empleyadong nagkasala. Mananagot at mananagot ang kompanya ng bus kundi makapagbayad si Bert ng danyos dahil ang kanilang pananagutan ay bilang isang garantisador. Ang depensa ng kompanya ng bus ay magagamit lamang kung ang batayan ng danyos ay ang Kodigo Sibil. (Connel Bros. Co. (Phils.) vs. Aduna 91 Phil. 79).

Show comments