Ngayon, ipinupursigi na naman ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na bilisan ang implementasyon ng bitay sa mga buktot na kriminal na nasentensyahan na.
Pero maaalala natin na ang bitay ay pansamantalang isinaisantabi dahil sa pagsangka ng simbahan at ng mga "human rights advocates" kuno.
However, in line with the Presidents directive to new PNP Director General para bilisan ang pagsugpo sa mga heinous crimes gaya ng kidnap-for-ransom, gusto na naman niyang bitayin sa lalong madaling panahon ang mga sentensiyadong kriminal. Kinatigan pa ng Presidente ang ipinaiiral ni Mayor Rodrigo Duterte sa Davao City na marahas na policy laban sa mga buktot na kriminal.
Hindi naman daw siya pabor sa summary execution o salvage pero ang dapat maipatupad ay ang judicial execution. Bitayin na ang mga nahatulan ng bitay, aniya, pata maipakita ang determinasyon ng pamahalaan sa pagsupil sa sari-saring heinous crimes sa bansa.
Hindi magandang impresyon ang nililikha ng administrasyon. Parang walang political will. Madaling matangay ng magkakasalungat na hihip ng hangin.
Kapag umalma ang mga taong tutol sa kanyang desisyon, babaguhin ito. Kapag may muling umalma, ibabalik ang unang desisyon.
Dapat ipatupad ng Presidente ang sariling desisyong inaakala niyang makabubuti sa bansa at taumbayan nang hindi naiimpluwensyahan ng sino man, kahit pa ng simbahan.
Ngayoy "ngipin-sa-ngipin" ang patakaran niyang binigyang-diin laban sa mga kriminal. Sa tingin koy pagtatawanan lang siya ng mga masasamang loob.
Paano ang "a tooth-for-a-tooth policy" kung ang gobyerno mismo ay walang ngipin para masupil ang mga masasamang loob?