Ang isang malahiganteng bato na dapat na bigyan ng pansin ni GMA ay ang ibat ibang civil society groups at mga militanteng grupo na tumulong upang maiupo siya bilang Presidente ng Pilipinas. Nilabanan ng mga ito at tumulong na mapalayas si ex-Pres. Erap Estrada sa Malacañang. Hindi maaaring iwaksi ang katotohanan na malaki ang utang na loob ni GMA sa mga grupong ito.
Sa kabilang dako naman, naririyan ang mga taga-oposisyon at mga taong dating kabig ni Erap na nais ngayong makipagbati at sumakay na sa trak ni GMA. Nangunguna sa mga ito ang magkapatid na sina Ronnie at Dong Puno at si Jimmy Policarpio. Maliban sa mga ito, marami pang malalaking bato ang gumigipit kay GMA na kumakatawan sa lahat ng mga problemang kinakaharap ng ating bansa.
Nagsimulang umalma ang mga dating kakampi ni GMA na tulad ng Copa, Kompil, Gomburza at Akbayan nang mabalita ang pagkuha ng administrasyon kay Sen. Blas Ople para Foreign Affairs Secretary. Lalong uminit ang galit ng mga ito nang malaman nilang hindi lang pala si Ople ang dinedemonyong lumipat kundi pati na ang mga Puno at si Policarpio.
Ayaw ng mga kapanalig ni GMA na tanggapin sa kanilang kampo ang mga dating kalaban. Ang tanong nila kay GMA: Why are you sleeping with the enemy. Kayo, ano sa palagay ninyo ang dapat gawin ni Ate Glo? Hindi ba niya dapat sundin ang sinabi ni dating Senate President Eulugio "Amang" Rodriguez na Politics is addition? Kung hindi siya mamumulitika, papaano naman siya sa 2004 elections? Papaano naman ang sinabi niyang I made a lot of political mistakes?
Makalampas kaya si GMA habang nanunulay sa alambre?