Sa aso na lang

ISANG dismayadong Amerikano na banas sa kalakarang pampulitika sa kanyang lugar ay inilaban ang kanyang asong si Percy bilang kandidato sa Kongreso sa Florida. Kailangang maging puspusan ang pangangampanya ng aso, na may lahing "Coille" at "German shepherd", upang makahabol sa kanyang mga katunggali. Ngunit naniniwala ang may-aring si Wayne Genthner na handang iboto ng mga tao ang kanyang alaga upang ipakita ang kanilang pagkayamot sa sistemang pulitikal sa United States.

Pamilyar? Malimit na sabihin na mga ambisyoso at panggulong kandidato na kahit aso ay kayang talunin sa halalan ang mga nakaupo sa puwesto. Hindi malabong mangyari.

Samu’t saring alimura na ang tinanggap ng mga miyembro ng lehislatura kabilang na rito ang pagkukumpara sa kanila sa buwaya. Ang matawag na aso’y isa nang malaking papuri.

Inilarawan si Percy ng kanyang mga "campaigners" bilang isang konserbatibo na may matibay na paninindigan laban sa mga parasito at linta sa lipunan, partikular ang mga pulgas at bulati. Wala rin siyang iskandalong kinasangkutan.

Hindi natin masasabi ang ganoong mga papuri sa ilang miyembro ng Kongreso. Namumuo ang ligalig at yamot laban sa ating mga senador at kongresista. Mistula nilang iwinaksi ang bansa sa mga aso.

Show comments