^

PSN Opinyon

Pulbusin na ang inutil na DPWH

HALA BIRA! - Danny Macabuhay -
LAMPAS langit ang pag-aalala ko kay Metro Manila Development Authority chairman Bayani Fernando sapagkat kailan lamang ay ibinato ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa kanya ang problema at pagsasaayos ng baha. Ang akala ba nila kay Fernando ay Superman na magagampanan nito ang mga bagay na hindi nabibigyan ng solusyon mula pa noong panahon ng mga lolo natin?

Sa traffic pa lamang ay namumroblema na si Bayani, dadagdagan pa ng trabaho. Hindi pa man nito nauumpisahan ang kanyang mga pangunahing gawain na katulad ng basura at polusyon, heto na naman ang isa pang higanteng tungkulin na dapat sana ay responsibilidad at obligasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan?

Ang gusto bang sabihin ng paglilipat na ito ng pamamahala sa mga baha sa MMDA ay dahil sa inutil at walang nagagawang magaling ang DPWH. Ang aksyong ito ni GMA ay tuwirang nagpapahayag lamang na mga bobo ang mga taga-DPWH at hindi na dapat pang pagkatiwalaan na magampanan ang isang maselan na tungkulin na makapagliligtas sa ating mga mamamayan at sa kanilang mga ari-arian.

Kung sabagay, matagal nang dapat isuka ang DPWH dahil sa mga taliwas at mga nakaririmarim na gawain. Di nga ba ang kagawarang ito ay kilala bilang pinaka-corrupt at punung-puno ng katiwalian? Iba’t ibang anomalya ang namamayagpag sa ahensiyang ito na kasalukuyang pinamumunuan ni Secretary Simeon Datumanong. Nasa mga balita ngayon ang pagkakasabit ng 41 tauhan ng departamentong ito tungkol sa P150 milyon na vehicle repair scam.

Kung hindi nakagaganap ng kanilang responsibilidad at pangunahing tungkulin ang DPWH lalo na at ang inaatupag ng mga opisyal at mga tauhan nito ay ang pangungulimbat, mayroon pa kayang dahilan upang manatili ang isang ahensiya ng gobyerno na katulad ng DPWH? At hindi rin dapat na pabayaang makaligtas sa pinakamahigpit na parusa ang mga tauhan nito sa kanilang pagkakasala. Daig pa ng mga ito ang mga Abu Sayyaf na sinasabi nilang dapat na pulbusin.

ABU SAYYAF

BAYANI

BAYANI FERNANDO

DAIG

DEPARTMENT OF PUBLIC WORKS AND HIGHWAYS

DPWH

METRO MANILA DEVELOPMENT AUTHORITY

PRESIDENT GLORIA MACAPAGAL-ARROYO

SECRETARY SIMEON DATUMANONG

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with