Nangholdap at pumatay

PAUWI isang gabi ang magkapitbahay na si Mon, isang security guard at Rolly isang vendor, ng holdapin ang sinasakyan nilang dyipni. Namatay ang isang pasahero.

Sa kaguluhan, nagtakbuhan lahat ng pasahero pati sina Mon at Rolly. Nagkataon naman pauwi rin noon si Ros, isang pulis at nakita niya ang dalawang taong tumatakbo papunta sa kanya. Dahil sa kinaugalian bilang pulis, pinahinto niya ang dalawa at pinadapa habang kinakapkapan. Sa pagkapkap, nakita niya ang .38 kalibreng baril kay Mon. Wala palang lisensiya ang baril ni Mon.

Habang iniimbestigahan sa prisinto sina Mon at Rolly, sumipot sa presinto si Hermie, isa sa mga pasaherong naholdap nang nalaman niya na may naarestong mga suspek. Namukhaan agad ni Hermie si Mon na may hawak ng .38 at bumaril sa isang pasahero. Nakilala rin niya si Rolly bilang kasama ni Mon.

Napatunayang nagkasala sina Mon at Rolly ng homicide. Bumigat ang parusa sa kanila dahil sa ilegal na paggamit ng baril na walang lisensiya. Kinuwestiyon ni Mon ang sentensiya. Hindi raw dapat tinuring ang paggamit ng walang lisensiyang baril bilang sirkumstansiyang magpapabigat ng parusa sapagkat hindi naman naprisinta ang baril bilang ebidensiya. Tama ba si Ramon?

Mali.
Sa kasong illegal na posesyon ng baril, dalawa ang kailangang patunayan: Ang pagkakaroon ng baril at ang pagkawala ng lisensiya nito. Kahit hindi naprisinta ang baril ito’y mapapatunayan din sa pamamagitan ng mga kapani-paniwalang testigo. Sa kasong ito, dalawang testigo ang nagpatunay na may baril nga na .38 na siyang ginamit sa krimen. Ang mga testigong ito’y sina Ros ang pulis na nakahuli kina Mon at nakakita ng baril sa kanyang katawan; at si Hermie na nakakilala kay Mon bilang salarin na nagpaputok ng baril. Ang mga testigong ito ay hindi masasabing may masamang motibong tumestigo laban kina Mon at Rolly na di man lang nila kilala.

Kaya sina Mon at Rolly ay dapat parusahan ng 11 taon, apat na buwan hanggang 13 taon apat na buwan isang araw sa kulungan. (People of the Philippines vs. Taguba G.R. No. 112792-93 October 06, 2000).

Show comments