Kung pagsasama-samahin ang poot ng taumbayan, matagal nang natusta ang mga bandido. Marami ang nagnanais na matapos na ang kanilang kabuktutan at nang maibangon ang masamang bangungot na kanilang nilikha sa bansa. Hindi masisisi ang taumbayan kung magpakawala ng masasakit na akusasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) tungkol sa kahinaang mapulbos ang bandido. Sa AFP na rin nanggaling na kakaunti na lamang ang bilang ng mga bandido wala pang isang libong miyembro.
Madudulas na parang mga palos ang mga bandido o sadyang mabagal ang mga sundalo? Ang lahat ay naiisip sa problemang ito na hindi matapus-tapos. Marami nang buhay ang nalagas dahil sa hindi malutas na problema. Ang pinaka-latest ay ang buhay nina Martin Burnham at Ediborah Yap. Si Burnham kasama ang kanyang asawang si Gracia ay kinidnap noong May 27, 2001 sa Dos Palmas resort. Si Ediborah naman ay kinidnap nang lusubin ng mga bandido ang Jose Torres Memorial Hospital sa Basilan. Madugong rescue ang nangyari noong June 7 na naging dahilan ng kamatayan ng dalawang bihag. Si Gracia ay tinamaan sa kanang hita subalit nakaligtas.
Bukod kina Martin at Ediborah, maraming iba pa ang namatay o pinatay ng mga bandido. Ang ilan sa mga kababaihan ay hindi na iginalang at tinapyasan pa ng suso bago pinatay samantalang ang iba ay pinugutan ng ulo. Ang Amerikanong si Guillermo Sobero ay isa mga pinugutan noong June 12, 2001.
Sino pa ang hindi magagalit sa Abu Sayyaf? Hindi masisisi ang taumbayan kung magpakawala ng galit at pati ang military ay hindi makaligtas sa matinding ngitngit. Eighty-one percent ng mga Pilipino ayon sa survey ng Philippine Information Agency (PIA) ang galit na galit at nais nang madurog ang Abu Sayyaf.
Matindi ang problema at ngayoy maitatanong kung matatapos pa ba ang problema sa Abu Sayyaf. Kailan nga ba madudurog ang mga salot?