Ayon sa aking bubuwit, happy birthday muna kay Jun Soller, dating Mayor Luduvico Espinosa ng Dasol, Pangasinan; Jack Mayor ng Jardine Davies Agchem; Daisy Tamayo, Efren Alano at Baby Alano.
Happy 15th wedding anniversary kina Mar & Annie Urbano.
Ayon sa aking bubuwit, si Congressman ay merong mga kontrata sa isang ahensiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Nagsu-supply siya ng mga kagamitang pandagat.
Umaabot sa daang milyon ang kontrata ni Congressman. Ang supply niya ay mga barko o kagamitan sa barko. Si Congressman kasi ay nasa shipping industry.
Inaalam pa ng aking bubuwit yung iba pang detalye ng mga kontrata ni Congressman.
Nadiskubre ng auditor ng COA na nagkaroon diumano ng over-pricing sa mga supplies. Dahil sa kanyang natuklasan ipina-hold niya ang pagbabayad kay Congressman.
Dahil sa ginawa ng auditor, gumanti si Congressman. Ipinatanggal niya si Auditor.
Maimpluwensiya kasi si Congressman sapagkat siya ay member ng makapangyarihang Commission on Appointments.
Ang hirap namang magtrabaho sa gobyerno. Kapag gumagawa ka ng tapat matatanggal ka pa sa serbisyo. Lalo na kapag hindi napagbigyan ang request ng mga pulitiko.
Paano malulutas ang problema ng graft and corruption sa gobyerno kung ganito ang mga congressman natin?
Ayon sa aking bubuwit, ang auditor na sinibak sa trabaho dahil pinigil ang pagbabayad sa congressman tungkol sa over priced na kontrata ay si Mr. R. as in Ramon. Ang congressman naman na nagpasibak sa kanya ay walang iba kundi si Congressman S. as in Supplies.