Ang tawag kay Mateo

NAKAPAGTATAKA na tatawagin ni Jesus ang isang makasalanan upang maging isa sa mga alagad niya. Subalit ganoon ang paraan ni Jesus. Talagang pinagsusumikapan niyang mapalapit sa mga makasalanan. Pinagsumikapan niyang papagbaguhin ang kalooban ng isang prostitute. Tinanggap niya ang isang babaing nahuli sa pakikiapid.

Basahin ang Ebanghelyo ni Mateo. Isinalaysay niya ang kuwento ng pagtawag sa kanya (Mt. 9:9-13).

‘‘Umalis si Jesus sa lugar na iyon. Sa kanyang paglakad, nakita niya ang isang taong ang pangala’y Mateo; nakaupo ito sa paningilan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, ‘Sumunod ka sa akin.’ Tumindig si Mateo at sumunod sa kanya.

‘‘Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay ni Mateo, dumating ang maraming publikano at mga makasalanan. At sila’y magkakasalong kumain. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, ‘Bakit sumasalo sa mga publikano at sa mga makasalanan ang inyong guro?’’ Narinig ito ni Jesus at siya ang sumagot, ‘Ang mga maysakit ang nangangailangan ng manggagamot, hindi ang mga walang sakit. Humayo kayo at unawain ninyo ang kahulugan nito, "Habag ang ibig ko at hindi hain.’’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.’’


Malinaw na sinasabi ni Jesus kung bakit siya naparito. Naparito siya upang tawagin ang mga makasalanan. Para sa mga Pariseo, ang mga makasalanan ay dapat ihiwalay at parusahan. Marahil ay malalim na nadama ni Mateo ang kapayapaan at kagalakan nang marinig niya ang mga kataga ni Jesus: ‘‘Sumunod ka sa akin.’’ Pinanatili ni Mateo sa kanyang puso ang ganitong pagpapakumbaba. Tanging ang kagandahang-loob lamang ng Diyos ang nakapagdulot sa kanya ng pagkakataon na makapagbagong-buhay.

Para sa ating lahat, dapat tayong magkaroon ng pag-asa gaano man naging makasalanan ang ating pamumuhay. Kailangan tayong magkaroon ng pag-asa kahit na paulit-ulit tayong nagkakasala. Parating nandiyan si Jesus na nagmamahal at may habag.

Show comments